SA kanyang privilege speech sa Senado nitong Miyerkules, sinabi ni Sen. Ping Lacson na hindi niya pinaniniwalaan ang “controlled delivery” tactic na ginamit ng Bureau of Customs (BoC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagpapalabas sa P1.8 bilyong halaga ng shabu. Ang nasabing shipment ay kunwari nilang isinubasta upang malaman ang gustong magpasok nito sa ating bansa at kanilang darakpin. Ang nanalong bidder ay ang Goldwin Commercial, pero ayon kay PDEA Director Gen. Aaron Aquino, “malinis” ito at hindi nito alam na ang kanilang napanalunan ay naglalaman ng shabu. Ang kargamento kasi ay binubuo ng mga container na puno ng tapioca starch at aluminium pallets na naglalaman ng 146 kilo ng shabu na nakasilid sa 114 bags.
Kaya, hindi kapani-paniwala kay Sen. Lacson ang “controlled delivery” na inilako ng BoC at PDEA ay dahil, ayon na rin sa kanya, ang Chinese na si Zhijian Xu, na gumagamit ng pangalan na Jacky Co, ay narito sa bansa para mapadali ang pagpapalabas ng kargamento. Aniya, si Co na isa sa mga wanted personalities sa China at nasa Interpol list ng mga pinaghihinalaang kriminal, ay nakaalis patungong Vietnam noong Abril 3, o dalawang linggo pagkatapos na mahuli ang kargamento. “Ang nakaririmarim ay nakaalis ng Maynila si Co sakay ng Philippine Airlines patungong Vietnam sa kabila ng kanyang mga kriminal na gawain. Ang nakapagtataka, paano nakalabas ang ganitong uri ng tao sa masusing pagsisiyasat ng tauhan ng Bureau of Immigration na nagtatanod sa ating mga paliparan gayong gumagamit na ito ng state-of-the-art, biometrics-based system para sa kanyang mga computer sa lahat ng paliparan sa buong bansa?” wika ni Sen. Lacson.
Kung hindi naniniwala si Lacson sa “controlled delivery” na ginawa ng PDEA at BoC hinggil sa P1.8 bilyong halaga ng shabu, hindi rin ako naniniwala na ito lamang sana ang papasok sa bansa. Higit akong naniniwala na ito ay pain lang katulad ng dalawang improvised magnetic lifter na naglalaman ng shabu na nasabat din ng PDEA at BoC sa Manila International Container Terminal. Ang nasabat na dalawang improvised magnetic lifter ay may kasama palang apat na nakalusot na at natunton sa GMA, Cavite. Bakit higit akong naniniwala na may nakapuslit nang shabu na nasa mga container din ng tapioca starch at aluminium pallets, eh marami nang nakakalat na shabu na sanhi ng pagkakadakip ng mga gumagamit at nagbebenta nito. May mga drug den na nadidiskubre ng mga awtoridad. Ang masama, wala pa ring tigil ang mga pagpatay. Bukod sa shabu, bloke-blokeng cocaine ang mga nasabat, party-drugs at ibang ilegal na droga ang iniulat na nakumpiska. Kasi, bago maghalalan noon ang vote-buying ay garapalang naganap sa panahon ng pangangampanya, hindi sa oras ng halalan. Narco-money ang ginamit. Kaya, ganito rin lang ang nangyayari, pairalin ang war on drugs nang walang patayan. Kawawa ang mga dukha.
-Ric Valmonte