NAGSIMULA na ang magulong ‘political drama’ kaugnay ng labanan sa pagka-house speaker ng Kamara sa susunod na Kongreso. Batay sa mga nangyayari, tila manit at matindi ang napipintong labanan. Magkakaroon din ng bagong mga kuwalisyon ang mga partido.

Kaugnay nito, tiyak na babandila ang tinatawag na ‘Sara Factor,’ ang impluwensiya ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Malimit na itong ibinabandila ng mga balita, at tiyak na magiging sangkap ito ng manit na labanan sa pagka-house speaker.

Naganap na ang unang silakbo ng inaasahang ‘political drama.’ Kamakailan, tinanggihan ni Mayor Sara ang pakikipag-bating alok ng pinatalsik na dating Speaker Pantaleon Alvarez at tinawag pa niya itong “mapanganib at ‘Machiavellian’ na hindi karap-dapat magkaroon ng katahimikan.”

May dahilan ang mabalasik na tugon ni Mayor Sara. Nag-ugat ito sa isang ‘videotaped’ na pahayag ni Alvarez kung saan nagbanta umano ang mambabatas na hihiyain niya ang mayor ng Davao City. Dahil dito, tila lalong lumabo ang ningning ng bituin ni Alvarez maliban na lamang kung mayroong bilyonaryong susuporta sa kanyang kampanya. Pati ibang gumigiring kakandidato sa pag-house speaker ay pinaliparan ni Madam Sara ng kanya maanghang na pananalita.

Kamakailan, niliwanag niyang pasasalamat lamang sa pagsuporta nina Leyte Rep. Martin Romualdez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa programa ni Pangulong Dutete ang pag-endorso niya sa kanila noong kampanya at hindi endorso sa pagka-speaker.

Pati si dating Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano, na ka-tandem ni Pangulog Duterte noong 2016 eleksiyon, ay tinudla din niya dahil sa umano’y pananakot ni Cayetano na bubuwagin niya ang grupong Hugpong ng Mayor kung susuportahan nito si Velasco.

–o0o-

Bago pa nakalipad, sumadsad na yata ang Provincial Bus Ban ng MMDA.

Nagpetisyon si Albay Rep. Joey Salceda sa Korte Suprema na magbaba ito ng ‘temporary restraining order’ (TRO) laban sa bus ban ng MMDA na naglalayong limitahan hanggang Sta. Rosa, Laguna at Valenzuela City lamang ang biyahe ng mga bus mula sa timog at hilagang Luzon.

Tugon umano ito sa magulong trapik sa EDSA, ngunit ayon kay Salceda hindi ito solusyon at magpapahirap lamangumano sa mahihirap na mga biyaherong probinsiyano.

Ang tanong: Bakit si Salceda lamang ang umaalma sa bus ban? Bakit tila walang malasakit at walang pakialam ang ibang mga kongresista at opisyal ng mga LGU sa Luzon at Kabisayaan sa kapwa nila probinsiyano?

Talagang walang katuturan ang MMDA provincial bus ban at lalo pang pasisikipin nito ang EDSA dahil sa papalit na maraming sasakyan.

-Johnny Dayang