MAHIGIT tatlong dekada mula nang simulang gunitain ng mundo, sa pangunguna ng World Health Organization (WHO), ang No-Tabacco Day noong, 1987, nanatili pangunahing sakit ang paninigarilyo, na sinisisi rin sa maraming iba pang karamdaman tulad ng lung cancer.
Malinaw nang nadokumento na ang masasamang epekto ng paninigarilyo ng Tabacco. Ito ang sinisisi sa pagkamatay ng nasa pitong milyong katao sa buong mundo kada taon, na karamihan ay mula sa direktang paggamit ng tobacco habang ang nasa 890,000 ay dulot sa pagkalantad sa usok na nagmumula sa gumagamit nito o second-hand smoke.
Sinasabing naglalaman ang usok ng tobacco ng libu-libong kemikal, kung saan 69 dito ang nagdudulot ng lung cancer at chronic respiratory disease. Maging ang tuberculosis ay sinasabing mula rin sa pagka-expose sa kemikal na laman ng tabacco.
Isa ang Pilipinas sa nangungunang 15 bansa sa mundo na may pinakamataas na kaso ng sakit na may kaugnayan sa tobacco. Kaya naman matagal na itong bahagi ng WHO framework conservation on tabaco control mula noong 2005. Isang malaking hakbang ang ginawa ng bansa para sa kampanya laban sa paninigarilyo nang aprubahan ng Kongreso ang RA 10643, ang Graphic Health Warning Law, noong 2014.
Kamakailan lamang, ang pamahalaan ng Pilipinas, sa pangunguna ng Department og Finance at Department of Health, ay naglunsad ng isang ‘one-punch against smoking, na nagtataas ng buwis at pagsasampa ng kasong kriminal para sa hindi pagbabayad ng buwis na ito at ang paggamit ng pekeng internal revenue stamp. Nakiisa sa kampanya si Senador Manny Pacquiao sa pamamagitan ng video na nagpapakita ng pagpapatumba nito sa karakter na si “Yosi Kadiri.”
May hakbang din para isulong ang e-cigarette upang makatulong na mawakasan ang paninigarilyo ng tobacco, matapos ang resulta ng pag-aaral na nagsasabing 95 porsiyento hindi ito mapanganib kumpara sa ordinaryong sigarilyo, at higit rin na epektibo kumpara sa nicotine replacement therapy. Sinabi ng mga eksperto sa pampublikong kalusugan, na dumalo sa ikalimang Global Forum on Nicotine sa Poland noong Hunyo, 2018 na ang tar at ang nakalalasong gases sa usok ng sigarilyo ang nagdudulot ng panganib sa kalusugan at hindi ang nicotine. Ang mga alternatibong produktong ito, ay inaasahang makatutulong sa mga naninigarilyo upang tumigil at magkaroon ng mas magandang buhay.
Ang mahalaga ay ang mabawasan ang mga naninigarilyo ng tobacco sa posibleng paraan—mas mataas na buwis, pagbibigay-kaalaman na kampanya na nagpapaalala sa mga kabataan laban sa panganib nitong naidudulot sa kalusugan, at matulungan ang mga naninigarilyo na maihinto ito. Kasama tayo ng milyong iba sa buong mundo sa pagsisikap na ito habang ipinagdiriwang natin ang World No-Tabacco Day ngayong araw.