Vargas, pasasakop sa General Assembly, ‘di takot sa ‘snap election’
TAPUSIN lamang ang SEA Games at puwede na silang maghanap ng ibang leader.
At sa pagkakataong, ipilit ng mga kritiko ang naisin, handa si Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas na harapin ang kapalaran sa General Assembly.
“It’s a number game, I’m sure, but Mr. Vargas is ready to face his adversity and whatever the decision of the majority, he will accept it, no ifs, no buts,” pahayag ni POC spokesman Ed Picson sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) nitong Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Ayon kay Picson, ang naunang pahayag ni Vargas para sa maagang halalan sa Enero ay patunay lamang na hindi siya ‘kapit-tuko’ sa puwesto.
“Sakaling humantong ang usapin sa GA, walang problema kay Mr. Vargas dahil tatanggapin niya ang anumang desisyon ng majority,” aniya.
Sa ginanap na court-ordered election nitong Hulyo, tinalo ni Vargas si Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Sa kanyang pag-upo, isinulong niya ang pagkakaisa kung kaya’t binigyan ng mahalagang papel sa Olympic body angmga kaalyado ni Cojuangco, gayundin ang mismong dating POC Chief.
“But after almost a year, parang hindi nagagawa yung mga gustong mangayri ni Mr. Varags, especially sa membership committee ni Mr. Bachmann dahil until now, marami ma ring NSA dispute ang walang resolution.
“May mga meeting na hindi alam ni Mr. Vargas. Ito yung sukdulan kaya napuno na ang salop,” ayon kay Picson sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, PAGCOR, Community Basketball Association, NPC at HG Guyabani Tea Leaves Drink ni Mike Atayde.
Sa pakikipagpulong kay PSC Chairman William Ramirez nitong Miyerkules, hindi ikinaila ni Vargas ang posibilidad na magkaroon ng ‘snap election’.
Aniya, handa siya rito.
“After SEA Games, puwede na silang humanap ng ibang leader. For now pagtuunan muna natin ng pansin ‘yung hosting natin. Alam ko na kayang kaya natin na maging successful itong hosting natin,” pahayag ni Vargas.
Sinabi pa ni Vargas na hindi niya pinagsisihan ang kanyang naging desisyon na balasahin ang mga miyembro ng kumite sa loob ng POC, gayung tiwala siya mas magiging matagumpay ang kanilang mga layunin lalo na para sa biennial meet.
“Ang mahalaga ngayon, gawing matagumpay ang hosting ng SEA Games. Kayang kaya ko pong lumipad ngayon, lalo pa at kasama natin si chairman Ramirez. I believe we have become stronger, and he is the most qualified for the post,” pahayag ni Vargas.
Sa kasalukuyan ay magsisimula na ng mga serye ng pagpupulong ang PSC, POC kasama ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) para sa preparasyon ng nasabing biennial meet na magsisimula sa loob ng limang buwan.
Siniguro naman ni Vargas na walang personalan at trabaho lamang ang lahat ng kanyang naging mga desisyon upang mapangalagaan ang kanyang tanggapan.
“Let me assure everyone that whatever issues we faced together or against each other, it was never personal to me. And I will make sure the POC institiution is always safeguarded. The necessary mechanisms to do so are in place,” ayon pa sa POC chief.
-Annie Abad