Iisa ang hiling ng mga residente ng Marawi City sa Lanao del Sur, lalo na ang mga nasa evacuation camps pa rin o kaya naman ay nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak—ang makapagdiwang ng 2019 Eid’l Fitr sa kani-kanilang bahay sa nawasak na lungsod.

Ang dalangin nilang ito ay ipinapaabot nila sa Diyos, pangalawa kay Pangulong Duterte, na idineklara kamakailan ang Hunyo 5, Miyerkules, bilang non-working national holiday kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr, isang pandaidigang pagdiriwang ng mga Muslim para sa pagtatapos ng isang buwang pag-aayuno para sa Ramadan.
Ngunit para sa mga evacuees na nananatili pa rin sa mga shelter camps sa Northern Mindanao at sa kanilang mga kamag-anak sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ang nalalapit nilang pagdiriwang ay isa na namang “pinakamalungkot” kung hindi matutupad ang kanilang dalangin.
Matatandaang Mayo 23, 2017, isang linggo bago ang pagsisimula ng Ramadam nang napilitan lumikas ang mahigit 250,000 residente sa 96 na barangay sa Marawi, dulot ng digmaan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Maute-ISIS.
Hanggang sa ngayon, hindi pa rin nasisimulan ang malawakang rehabilitasyon sa lungsod.
Sa ikalawang anibersaryo ng Marawi siege nitong Mayo 23, 2019, inihayag ni Housing Czar Eduardo del Rosario, na sinisimulan na paglilinis sa lungsod at sa Hulyo ay maaari nang makabalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan.
-Ali G. Macabalang