Sinampahan na ng kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Zhijian Xu, alyas “Jacky Co” at 16 iba pa kaugnay ng umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa P1.8 bilyong drug smuggling sa Manila International Container Port, noong Marso.
Bukod kay Co, kinasuhan din kaninang hapon sa Department of Justice (DoJ) sina Dong An Dong, Julie Hao Gamboa, Fe Tamayosa, Alvin Bautista, Jane Abello Castillo, Carlo Dale Zueta, Abraham Torecampo, Arwin Caparros, Leonardo Sucaldito, Mark Leo Magpayo, Brian Pabilona, Meldy Sayson, Rhea Tolosa, Edgardo Dominado, Jerry Siguenza, at Debbie Joy Aceron.
Sa isang privilege speech nitong Miyerkules, ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na si Co ay nananatiling pangunahing suspek sa likod ng nasabat na tone-toneladang shabu noong Marso 22.
Kinuwestiyon din ng senador kung paano nakalalabas-pasok si Co sa bansa, kahit ito ay nasa Interpol watchlist.
Ayon kay PDEA chief Director General Aaron Aquino, kabilang sa mga kasong isinampa nila ay ang paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs), in relation to Section 31 (Additional Penalty if Offender is an Alien) of Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inamiyendahan ng Republic Act No. 10640.
Dahil dito, umaasa si Aquino na ang isinampa nilang kaso sa National Prosecution Service ng DoJ ay magsilbing babala sa mga indibiduwal na nasasangkot sa drug trafficking.
Idinagdag pa ni Aquino, sinampahan din nila ng kasong paglabag sa Section 4, in relation to Section 30 (Criminal Liability of Officers of Partnerships, Corporations, Associations or other Juridical Entities) ng Republic Act 9165 ang mga opsiyal at director ng Wealth Lotus Empire Corporation at Fortuneyield Cargo Services, ang consignee ng illegal drugs.
-Beth Camia