TINALO ni Sydney, Australia-based Edgar “Bote” Bautista si Vic Alfaro sa 26 moves ng Dutch Defense para makisalo sa liderato matapos ang six rounds nitong Miyerkoles sa 2019 National Seniors Chess Championship (Standard competition) na ginanap sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) No. 56 Mindanao Avenue sa Project 6, Quezon City.

Dahil sa natamong tagumpay, napaganda ni Bautista ang kanyang total score sa 5.0 points, iskor ding naikamada ni 8-times Illinois, USA chess champion International Master (IM) Angelo Abundo Young na nagwagi naman kay National Master (NM) Allan Sasot sa 36 moves ng Pirc defense.

Nagpakitang gilas naman si Auckland, New Zealand based Jun Isaac, na nakatatandang kapatid ni ex-PBA player Leo Isaac matapos pigilin ang pananalasa ni giant killer Eduardo Tunguia sa 54 moves ng Modern defense para makapuwersa sa three-way sa third place kasama sina Tungia at World’s First Fide Master Adrian Ros Pacis na binigo naman si National Master (NM) Efren Bagamasbad sa 39 moves ng English Opening.

Sa iba pang kaganapan, nanaig si Agripino Camposano kontra kay 1996 Yerevan, Armenia World Chess Olympiad member at Woman Candidate Master (WCM) Imelda Flores sa 44 moves ng Sicilian defense habang pinayuko naman ni Felix Duterte si dating NCFP director Eduardo Madrid sa 55 moves ng Alekhine defense.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay national coach Asia’s First Grandmaster Eugene Torre, ang magkakampeon sa 2019 National Seniors Chess Championship ay kakatawanin ang bansa (kung may available funds) sa taong ito na Asian Seniors Chess Championship (September 8-18, 2019, Almaty, Kazakhstan) at World Seniors Chess Championship (November 11 to 24, 2019, Bucharest, Romania).

Ang torneong ito ay inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines sa gabay ni Chairman/President Surigao del Sur Rep. Prospero “Butch” Arreza Pichay Jr. sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee.

Ang Tournament Director ay si GM Jayson O. Gonzales habang ang Chief Arbiter ay si IA Gene J. Poliarco.