TOTOO na nagulat ako at natuwa nang malaman kong matapos ang termino ng mga nakaupong mambabatas, ang tinatawag na 17th Congress ay nakagawa pala ng apat na batas na makatutulong sa mamamayan, lalo na sa mga naghihikasos nating kababayan.

Dahil abala ako sa pagiging kritiko ng Duterte administration – hindi naman kataka-taka dahil sa buong panahon ko bilang police reporter, ngayon lang ako naka-cover ng magkakasunod na pagpatay sa mga nakadududang police operation – inamin ko na ‘di ko nabigyan ng pansin ang magagandang nagawa ng kasalukuyang pamahalaan para sa bayan.

May apat na batas nang naipasa at agad na nilagdaan ni Pangulong Duterte, na kahit papaano ay magpapagaang sa buhay nating mga Pilipino, lalo na ‘yung mga kababayan natin na nasa laylayan ng lipunan.

Ang mga ito ay Universal Access to Free Tertiary Education (RA 10931), Universal Health Care (RA 11223), Magna Carta for the Poor (RA 11291), at ang pamosong batas na 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (RA11310).

Libreng pag-aaral sa kolehiyo sa lahat ng pampublikong unibersidad sa buong bansa ang dulot ng RA 10931; ang problemang pangkalusugan naman, lalo na para sa mga senior citizen na katulad ko, ang dulot ng RA 11223; pagkilala naman sa karapatan ng mahihirap at ang pananagutan ng pamahalaan sa kanilang paghihikahos ang dulot ng RA 11291; at ang kontrabersiyal na batas na magbibigay ng “financial aid” sa mga kababayan nating mahihirap (RA 11310).

Sa mga batas na ito, ang tumawag sa aking pansin ay ang 4Ps o RA 11310, na sa pagkakaalam ko ay 2013 pa naipasa sa Palasyo, ngunit tila ibinasura o naupuan lamang noong Aquino administration, hanggang sa magpalit ng bagong pamunuan. Pinirmahan agad ito ni Pangulong Duterte at naging ganap na batas noong Abril 17, 2019.

Kung ano ang dahilan, kung bakit binalewala ni ex-PNoy ang batas na ito na ang makikinabang ay ang mahihirap nating kababayan – ay siya lamang ang may kasagutan. Ang importante ay batas na ito ngayon at pakikinabangan ng mga nangangailangan.

Sa RA 11310, ang mga karapat-dapat na mahirap lamang ang makatatanggap sa pamahalaan ng “conditional cash transfer” sa loob ng pitong taon. May rekomendasyon naman ang National Advisory Council (NAC) na pahabain pa ang itinakdang panahon hanggang sa kaya na ng mga kababayan natin na “tumayo sa sariling paa”.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang may atas na mag-review ng “qualified beneficiaries” -- magsasaka, mangingisda, walang tirahan, indigenous people mula sa informal sector, at ang mga nakatira sa isolated at disadvantaged areas, lugar na wala pang kuryente - gamit ang “standard targeting system” kada tatlong taon.

Ang mga pamilyang nagnanais na maging beneficiaries ng 4Ps program ay kailangan na “classified poor” ng DSWD at nasa “poverty threshold” ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Kabilang sa tulong na ibibigay ng pamahalaan ay cash na hindi bababa sa P300 kada bata na enrolled sa daycare at elementary programs, kada buwan ito na aabot sa 10 buwan sa loob ng isang taon; buwanang P700 kada senior high school na bata, sa loob ng 10 buwan kada taon; tulong pangkalusugan na P750 kada buwan sa loob ng isang taon.

May nakatakda rin na “livelihood programs” at tulong na makapagtrabaho sa mga karapat-dapat na “beneficiaries” ng DSWD.

Babala naman para sa mga mamemeke ng kanilang “information sa registry ng conditional cash transfer” ay pagkakulong ng ilang buwan hanggang isang taon, at magmumulta ng P10,000 hanggang P100,000.

Sana naman may PONDO ang pamahalaan para sa mga makabuluhang batas na ito!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.