Naaresto na ng pulisya nitong Miyerkules ng gabi ang pangunahing suspek sa pagpatay sa babaeng Grab driver sa Rizal makaraang salakayin ang pinagtataguan nito sa Pasig City.
Ayon kay Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta Municipal Police, naaresto si Paolo Largado sa Pasig City kaugnay ng pagpatay sa Grab driver na si Maria Cristina Palanca, na unang iniulat na nawawala nitong Linggo.
Inamin umano ni Largado na gumagamit siya droga at napaulat na nakumpiskahan ng isang sachet ng shabu nang maaresto.
Nadiskubre ang bangkay ni Palanca sa ilalim ng lababo sa loob ng condo unit na sinasabing pag-aari ni Largado.
Lumabas sa imbestigasyon na si Largado ang huling nagpa-book kay Palanca.
Batay sa kuha ng CCTV, umalis sa condo si Largado at minaneho ang sasakyan ng biktima na ginagamit nito bilang TNVS driver.
Kalaunan ay natagpuan ang sasakyan ni Palanca sa Lucena City sa Quezon.
Kakasuhan ng murder si Largado.
Fer Taboy