BAGAMAT hindi pa tuluyang idinideklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tag-ulan na, maya’t maya tayong nakararanas ng ganitong sitwasyon sa buong bansa.
Madalas sandali lamang, ngunit malakas ang buhos, na tinatawag na “thunderstorm”.
Ito ay halos wala pang dalawang oras, subalit talagang buhos ang ulan tuwing may thunderstorm. Ang resulta— biglaang pagbaha sa mga lansangan hindi lang sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kundi maging sa ibang lungsod sa bansa.
Alam na natin na nakaugalian na ng mga Pinoy na habang hindi pa idinideklara ng PAGASA ang rainy season, marami pa ring matitigas ang ulo na hindi nagdadala ng payong o kapote tuwing umaalis sa bahay.
Kaya kung ating pagmamasdan, ang mga pasaway na ito ang kadalasang natatanaw na sumisilong sa ilalim ng LRT at MRT, mistulang mga basang sisiw.
Iba na talaga ang panahon ngayon.
Isang buhos ng ulan, may matinding baha agad. Bukod dito, awtomatiko na rin ang pagbubuhul-buhol ng mga sasakyan at kawalan ng masasakyan.
Kadalasan, naglalahong parang bula ang mga traffic aide ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa tuwing bumubuhos ang ulan kaya sa ilang minuto lang ay matinding trapiko na ang ating kinahaharap.
Ganito na lang ba tayo tuwing uulan? Hindi na ba tayo matututo sa ating mga karaniwang gawain?
Kamakailan lang, nagmaneho si Boy Commute sa kahabaang ng South Luzon Expressway kung saan siya nakaranas nang malakas na buhos ng ulan.
Halos wala siyang matanaw mula sa windshield ng kanyang sasakyan. At sa kabila nito, mayroon pa ring mga driver na hindi nagbubukas ng ilaw upang madali silang makita sa gitna ng ulan.
Samantala, ang ibang sasakyan ay patuloy sa paghataw sa loob ng tollway na nabubulaga ng ilang lugar na binaha.
Mistulang mga batang nagtatampisaw sa batis kung daanan ng mga pasaway na driver ang mga binahang lugar na tila tinatarget na mabasa rin ang ibang motorista at pedestrian.
Parang mga walang konsiderasyon!
Ito rin ang dahilan kaya madalas ang mga sakuna sa mga tollway tuwing umuulan, at hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo natututo.
Disiplina lang ang sagot ng ating mga awtoridad hinggil dito.
Ang problema – lahat sila’y biglaang nawawala tuwing bumubuhos ang ulan.
Paano ba ‘yan, Kuya Eddie?
-Aris Ilagan