ISANG palabiro o likas na joker si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) dahil sa graduation ng Philippine Military Academy (PMA) Malasakit Cadets 2019 na isang babae ang class topnotcher, tinanong ng Pangulo si Vice Pres. Leni Robredo kung bakit hindi siya nginitian nito.
Ginawaran ni PRRD ng presidential saber si Class valedictorian Cadet First Clas Dionee Mae Umalla samantalang si VP Leni ang naggawad ng vice presidential saber kay Class salutatorian Jonathan Mendoza. Pareho silang panauhin sa okasyon.
Bago siya nagtalumpati, lumingon si Mano Digong sa upuan ni beautiful Leni, lider ng oposisyon, at tinanong kung bakit hindi siya nginitian nito. Badya ni PDu30: “Maria Leonora “Leni” Robredo, ma’m bakit noon nag-smile ka sa akin, ngayon hindi na? Ikaw ha”? Tawanan ang mga tao (audience) dahil batid nilang magkalaban sa pulitika ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo.
Maraming nakapuna kung bakit may 13 minuto lang nagtalumpati ang ating Pangulo na kilala sa pagsasalita ng mahabang oras. Pagkatapos, kinamayan niya si VP Leni na ngayon ay nakangiti na (hindi nakasimangot). Noong nakaraang linggo, sumurender si “Bikoy” (Peter Joemel Advincula) sa PNP, nagdaos ng press conference at sinabing ang “Ang Totoong Narcolist” ay gawa ng oposisyon at ni Sen. Antonio Trillanes. Noong una, nag-presscon din siya sa IBP at ibinunyag na sa kanyang narcolist, ang nasa likod ng illegal drugs ay ang Duterte Family, kasama si Bong Go.
Mahigpit na itinanggi ni Robredo ang alegasyon ni Bikoy na ang oposisyon ang may pakana sa narcolist para patalsikin si PRRD upang siya ang mailuklok sa puwesto. Ang sabi ni Bikoy, kapag si Leni na ang presidente, hihirangin niya si Trillanes bilang vice president. Aba, malaking kabulaanan at katangahan ito sapagkat hindi puwedeng humirang ang Pangulo ng vice president dahil labag ito sa Constitution.
Sabi nga ng mga tao, papaano mo paniniwalaan si Bikoy na akusado ng ilang bilang ng estafa, manloloko, manlilinlang. Noon idinawit pa niya ang partner ni PRRD, si Honeylet Avancena, at anak na si Kitty, sa ilegal na droga. Dito lang ay palpak na siya. Nagtataka sina Senate Pres. Tito Sotto at Sen. Ping Lacson kung bakit “binibili” ng ilang awtoridad ang mga “kasinungalingan” ni Bikoy.
Noong Lunes, inilathala sa mga peryodiko ang pahayag ng PNP: “No proof of Bikoy claims vs opposition.” Ayon sa PNP, umalis si alyas Bikoy sa PNP headquarters ng Camp Crame noong Sabado ng hapon nang hindi nagsumite ng sworn statement o anumang piraso ng ebidensiya na maaaring gamitin ng pulisya upang maberipika ang kanyang mga alegasyon laban sa oposisyon para patalsikin umano si PRRD.
Natawa ang kaibigan kong sarkastiko nang mabasa niya sa pahayagan ang ganito: “Du30 tells PMA grads: Serve, die for country.” Ang pinagsabihan ng ating Pangulo ay ang 261 graduates ng PMA Mabalasik (Mandirigma ng Bayan, Iaalay ang Sarili, Lakas at Tapang para sa Kapayapaan) Class 2019.
Sabi ni sarkastikong kaibigan: “Eh, papayagan ba niyang pumunta ang bagong mga kadete sa West Philippine Sea para magtanim doon ng watawat at ipagtanggol ang ating teritoryo na inaangkin at inookupahan ng China?”
-Bert de Guzman