NGAYON na nagsisimula nang bumagsak ang ulan—isang senyales na malapit nang magsimula ang tag-ulan kasama ng hanging habagat—maaari na naman natin makalimutan ang mga bagay na dapat nating ginawa noong tag-init. Labis tayong nabahala sa takot ng kakulangan sa tubig na tila nabalewala natin ang mga pagpaplano at aksiyon upang magamit ang saganang sikat ng araw na tumatama sa ating mga isla.
Ngunit may ilan ding opisyal ang nagpatuloy na magplano para sa aktuwal na proyekto. Bagamat may isang buwan na lamang natitira si Quezon City Mayor Herbert M. Bautista bago niya ipasa ang pamamahala ng lokal na pamahalaan kay bagong Mayor Joy Belmonte, itinuloy niya ang planong pagkakabit ng mga solar panel sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Nagpapatayo ang lungsod ng mga gusaling pampaaralan at mga silid-aralan upang mapunan ang tumataas na bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Ngunit nangangahulugan din ito ng pagtaas ng bayarin sa elektrisidad, aniya, habang ibinabahagi ang planong pagkakabit ng mga solar panels sa lahat ng mga paaralan sa lungsod.
Samantala sa Senado, isang panukalang-batas para sa pagkuha ng 25-taon prangkisa sa Leandro Leviste’s Solar para sa Bayan ang inaprubahan kamakailan. Sisimulan na nito ang pagtatayo, pagkakabit, pagpapatakbo at pagpapanatili ng ganitong sistema upang makakuha ng kuryente mula sa araw at maipamahagi ito sa mga hindi nasusuplayan at kulang sa suplay na mga lugar sa bansa.
Ang Leviste’s Solar Philippines ang nagtayo ng pinakamalaking solar facility ng bansa, ang 63-megawatt Calatagan Solar Farm, noong 2016. Noong naitatag ang Calatagan Solar, sinabi ni Leviste na, “Whereas others see solar as just a part of their portfolio, we believe it will one day supply the largest share of the energy mix.”
Kilala ang ating bansa para sa masaganang likas na yaman, lalo na sa tanso, ginto at nickel. Ngunit mayroon din tayong katumbas na mahalagang likas na yaman mula sa sikat ng araw, ulan, ilog, at geothermal energy sa ilalim ng ating mga bulkan at ang biomass energy mula sa ating mga sakahan.
Ngayon na nagsisimula nang bumagsak ang ulan, magandang malaman na nagpapatuloy tayo sa ating mga plano para mapakinabangan ang enerhiyang mula sa araw na mayroon tayo tuwing tag-init. Kaya naman ikinatutuwa natin ang planong solar panel ni Mayor Bautista para sa mga paaralan ng lungsod at ang pag-apruba ng Senado ng prangkisa para sa Solar para sa Bayan.