NOONG 1969, nagugunita ko ang aking ama, si dating Senador Rene Espina, na nagmumungkahi sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (o AFP) na maghanap ng paraan kung paano lalong mapalalakas ang Philippine Navy, sa pamamagitan ng pag-angkat ng mga barkong may missiles.
Umabot sa puntong may mga rekomendasyon ang ating Hukbong Dagat kung anong uri ng barkong pandigma ang kakailanganin ng ating bansa, kalakip nito, iba’t ibang modelo at bansang maaaring bilhan ng AFP.
Matagal na itong pangarap ng ating pamahalaan sa nakalipas na panahon. Dahil nga palagi tayong nakokonsiensya, masyado kasing mahal ang modernong mga bapor at makabagong teknolohiyang armas, palagi tayong napapako sa satsat at plano.
Korong gasgas sa ating Kongreso, tulak na rin ng maling pang-unawa, at inudyukan pa ng maka-kaliwang protesta, habang ang media bumabatingaw, na sayang ang guguling salapi.
Mainam pa umanong gamitin ang pondo sa karagdagang paaralan, tulong sa magsasaka, pabahay, atbp., mga kurot pusong dighay na hindi umusad sa ilang dekada. Sa isang pagkakataon, lumipad ang aking ama sa Japan at naghanap pa ng mga malalaking “fishing trawler” sa mga sikat na puerto at karagatan na kilala sa pangingisda.
Mura doon ang mga nasabing barko. Ang iba, may matitigas na harapan upang biyakin ang mga yelo sa karagatan.
Layunin sana ng aking ama ang makaangkat ng maraming trawler, kahit segunda-mano, at sabay bumili ng missile systems sa ibang bansa, halimbawa Israel, at isalpak ito sa mga barkong mabibili natin sa mas mababang halaga.
Noon pa sana tayo nagkaroon ng mga missile ships. Isa sa mga kahalagahan ng nasabing mga sandatang pandagat ay upang galangin tayo ng mga kapitbahay-bansa, kasama ang may masasamang pagnanais sa ating likas yaman at teritoryo.
‘Di ba nga halos P60 bilyon, taun-taon, ang ninanakaw na yaman mula sa ating karagatan? Itong nagdaang mga administrasyon ay ang pag-angkin sa West Philippine Sea.
Laking tuwa ko at ng aking ama, sa pagpupursige ni Pangulong Rodrigo Duterte, magkakaroon na ang Pilipinas ng 3 ‘Multi-Purpose Attack Craft (MPAC) na may Rafael surface-to surface missiles. Ito na ang simula!
-Erik Espina