NAGPASALAMAT sa amin si Direk Perci M. Intalan sa isinulat namin kahapon tungkol kay Rosanna Roces, na mapapanood na sa una niyang mainstream movie sa nakalipas na mga taon.
“Uy, thanks, Reggee! Una nga niyang mainstream in a long while, ano? Pero box-office queen siya kaya dapat lang magbalik! At ‘di ko alam ‘yung sa nanay niya. Sana nga makatulong ito para sunud-sunod na [ang] projects niya, kasi sayang ang husay niya, at ang laki ng name niya sa mundo ng pelikula!” mensahe sa amin ni Direk Perci, nang mabasa niya ang isinulat namin dito sa BALITA tungkol sa pagbabalik-mainstream ni Osang sa pelikulang Panti Sisters.
Klinaro rin ni Direk Perci na hindi na siya ang direktor ng Panti Sisters kundi si Direk Jun Robles Lana, handog ng IdeaFirst Company.
“Nga pala, si Jun na ang director ng Panti Sisters. Nagkagulu-gulo kasi ang sched, kasi nga kailangan ko pumunta ng Cannes (France),” sabi ni Direk Perci.
“Pero si Jun naman talaga ang nag-pioneer sa project na ito, idea niya ang pagsasama nina Christian (Bables), Paolo (Ballesteros), at Martin (del Rosario),” say pa ni PMI (tawag namin kay Direk Perci).
Masayang ibinalita rin ni PMI na positive ang pagpunta niya sa Cannes, dahil marami siyang nakilalang producers para sa film/TV series projects nila.
“Dami kong nakilala at daming bagong niluluto. May nasara rin ako na deal, hopefully magkapirmahan na para ma-announce na. ‘Yung mga niluluto ko, mga pelikula at series. Iba-iba ang direktor. Alam mo naman, producer muna ako bago director. Taga-lako. Pero ‘yung deal is for an existing film project,” kuwento sa amin ng President/CEO ng IdeaFirst Company.
Tinanong namin kung may projects sila ni Direk Jun na isu-shoot sa ibang bansa.
“Oo, merong dalawa, eh. Iba pa ‘yung katatapos lang na Untrue ni Direk Sig (Sigrid Andrea Bernardo) na kinunan sa Georgia. Kaya naghahanap ng ways na afford gawin, kasi talagang ang mahal, eh,” sagot sa amin.
Bida sa Untrue sina Xian Lim at Cristine Reyes, na produced ng Viva Films, habang ang IdeaFirst Company ang line producer, at ipalalabas na sa Hulyo 2019.
Natutuwa kami sa IdeaFirst Company, dahil nakakalimang taon pa lang sila sa industriya ay umabot na sa 22 movies ang nagawa nila, iba pa ‘yung mga TV series na napanood sa TV5 at Cignal TV.
Samantala, tinanong namin si PMI kung ano na ang balita sa project nilang The Nurse na pinagbibidahan ni Nadine Lustre.
“Nasa plano pa rin,” sabi, sabay tawa. “Pero ibang films naman namin taon bago nabuo. Hinihintay a n g t a m a n g p a g k a k a t a o n . ” Ang hirap bumuo ng pelikula o TV series, kaya kapag hindi kumita o nag-rate, sobrang sama ng loob ng mga taong nasa likod nito.
-Reggee Bonoan