KINUHA ng Real Gold ang unang bugso nang ratsadahan para sa pinakamahuhusay na three-year-old race horses tungo sa impresibong panalo laban sa pitong katunggali, kabilang ang undefeated at liyamadong Obra Maestra sa 1st leg ng prestihiyosong Triple Crown series ng Philippine Racing Commission nitong Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Mula sa kinalalagyang ikalimang puwesto, humirit ang Real Gold sa huling 400 meters upang lagpasan ang mga karibal at kunin ang bentahe diretso sa finish line para sa kahanga-hangang panalo sa gabay ni jockey John Paul A. Guce sa 1,600-meter race.
Tumataginting na P1.8 milyon ang kuminang na premyo para sa Real Gold na pagma-may-ari ng C&H Enterprise C&N conglomerate nina Butch Mamon, Robert Ramirez, Jing Javier at Joseph Dyhengco. May dagdag din na P100,000 para sa breeder na si Dyhengco.
“We are ecstatic,” sambit ni Mamon sa awarding ceremony na pinangunahan nina Philracom officials Chairman Andrew A. Sanchez, Alfonso “Boy” Reyno, Jr., chairman and CEO ng Manila Jockey Club at Captain Mohammed Al Hashmi, racing manager ng The Royal Horse Racing Club of Muscat, Sultanate of Oman.
Sumegunda ang JAYZ ni jockey JA Guce at owner SC Stockfarm para sa P675,000, kasunod ang Alfredo Santos’ Toy for the Big Boy, ridden by JB Cordova, na may P375,000.
Kabyos ang Obra Maestra (Jockey JB Guce) sa ikaapat na puwesto, sapat para sa premyong P150,000 sa may-aring si Leonardo Javier Jr.
“Remate po kami. Naramdaman ko last 600, mananalo,” pahayag ni Real Gold’s jockey JPA Guce, ginabayan ang Real Gold sa ikalawang major victory matapos magwagi sa Philtobo may ilang buwan na ang nakalilipas.
Sa Philracom Hopeful Stakes na may distansiya ring 1,600 meters, nakamit ng Shanghai Noon, sakay si OP Cortez at pagma-may-ari ni Emmanuel A. Santos, ang kampeonato na may premyong P1 milyon at P30,000 breeder award para kay Kerby Chua.
Bumuntot ang Phenomenal (jockey JPA Guce, owner Enrique Javier), Best Regards (CP Henson, Peter Aguila) at Two Timer (JA Guce, Melaine Habla).
Samantala, nagwagi ang Serafina, sakay si MB Pilapil at alaga ni Peter Aguilar, sa 1st leg ng Locally Bred Stakes Race (1,600 meters) na may premyong P300,000.
Sumunod ang Silab (AR Villegas, Benjamin Abalos Jr.), Iikot Lang (EG Guerra, Cipriano Sison Jr.) at Dansalan (JB Hernandez).
Huling nagwagi sa kasaysayan ng Triple Crown ang Sepfourteen ng SC Stockfarm noong 2017.