ISA sa pinakainteresanteng bagay na napatunayan sa katatapos na 2019 midterm elections ay ang nakalululang suporta na ipinakita ng mga taga-Mindanao sa mga kandidatong inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa halos lahat ng lalawigan sa Mindanao, namayagpag ang mga pambato ng Presidente—sina Bong Go at Bato dela Rosa—sa unang dalawang puwesto. Hindi naman natitinag sa ikatlo at ikaapat na puwesto si Senator Cynthia Villar sa malaking bahagi ng Mindanao. Nanguna naman siya sa Bukidnon, South Cotabato, at Sultan Kudarat.
Maging ang Marawi City, na ginamit ng mga kritiko ng administrasyon sa kanilang propaganda, ay bumoto sa walo sa12 kandidato ni Duterte.
Isa itong natatanging pagpapakita ng suporta ng mga taga-Mindanao sa isang katulad nila. Siyempre pa, hindi ito ang unang beses na sinuportahan nila si Duterte. Noong 2016 presidential elections, landslide ang boto ng mga probinsiya ng Mindanao para sa paboritong anak ng rehiyon. Nakamamangha ang kanyang margin of victory—95% sa lungsod na ilang dekada niyang pinamunuan, nasa 73% hanggang 89% sa mga lalawigan sa Davao, 68% sa Lanao del Sur, 66% sa Sulu, 62% sa Cotabato, 60% sa Compostela Valley, at 58% sa Iligan City. Ang pagkapanalong ito ang nagluklok kay Duterte bilang unang Pangulo ng bansa na nagmula sa Mindanao.
Nagpasalamat naman ang pambato ng ating Nacionalista Party, si Governor Imee Marcos, sa tinatawag na “Solid North” sa pagboto sa kanya. Ayon sa bagong senador, “the North remembers”. Totoo naman ito. Pero pupuwede ring ideklara ng mga pambato ng administrasyon na “Mindanao delivers”. Dahil matagumpay na nagpakilala sa dalawang huling eleksiyon sa bansa ang bagong “Solid South.”
At ang nakalululang boto ng suporta ay hindi lang nakabatay sa ethnic o geographic affiliations. Hindi lang ibinoto ng Mindanao si Duterte at ang mga inendorso niyang kandidato dahil siya ay taga-Mindanao. Bahagi lang ito ng naging pagpapasya nila.
Kung lilimiing mabuti, mauunawaang nasaksihan at nadama mismo ng mamamayan ng Mindanao ang mga positibong pagbabago sa unang tatlong taon ng administrasyong Duterte. Sa madaling salita, nagpakita si Duterte ng epektibong pamumuno sa Mindanao.
Makalipas ang ilang dekada ng pagwawalang-bahala, ang Mindanao ngayon ay nasa “front and center” ng mga programang pang-imprastruktura ng gobyerno, alinsunod sa “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte. Ang mga proyektong imprastruktura sa Mindanao, na saklaw ng programang Build, Build, Build ng pamahalaan, ay nagkakahalaga ng P126.86 bilyon noong 2018 pa lang, at gagastusan ng P8.4 trilyon sa susunod na limang taon.
Ito ang binigyang-diin ng aking mabuting kaibigan na si Finance Secretary Sonny Dominguez nang banggitin niya: “For many years, the people of Mindanao complained of neglect by Imperial Manila…The many decades of neglect will end now. This island of great promise will be in the front and center of the massive infrastructure program being rolled out by the Duterte administration.”
Ang umaalagwang pamumuhunan ngayon sa Mindanao ay layuning mapabilis ang kaunlaran sa Katimugan, dahil ang imprastruktura ang pinakamabisang sandata sa pagpapasigla ng ekonomiya. Inaasahang mapaiigting ng mga proyektong imprastruktura sa Mindanao ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, titiyakin ang seguridad sa pagkain, at makatutulong sa programang pang-edukasyon ng pamahalaan sa mga lalawigan.
Kabilang sa mga proyektong ito ang malawakang Mindanao Road Development Network Program, na sumasaklaw sa 2,600 kilometro, at mag-uugnay sa Zamboanga Peninsula, Southern Mindanao, Central Mindanao, at CARAGA Regions.
Partikular akong nakaantabay sa Mindanao Railway Project, na magbubunsod ng napakalaking pagbabago sa ekonomiya ng Mindanao, at magkakaloob sa mamamayan nito ng kaunlaran na matagal nang ipinagkait sa kanila ng ilang dekadang armadong labanan.
Ang mga proyektong imprastrukturang ito, samahan pa ng matagumpay na pagsasakatuparan ng usapang pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyong Duterte, bukod sa matibay na record nito sa kapayapaan at kaayusan, ang mga pangunahing dahilan kung bakit bumoto ang mga Mindanaoan para sa pagpapatuloy ng mga pagbabago kaysa sa kawalan ng katatagan. Ang boto ng Mindanao sa katatapos na midterm polls, gaya ng resulta ng mga naihalal sa pambansang posisyon, ay isang malinaw na mensahe na pabor sila sa direksiyon na kasalukuyang tinatahak ng ating bansa.
-Manny Villar