Naglunsad na ang mga tauhan ng Cainta Municipal Police Station ng manhunt operation laban sa itinuturing na pangunahing suspek sa pagpatay sa babaeng Grab driver, na natagpuang naaagnas sa ilalim ng lababo ng isang condominium unit sa Cainta, Rizal nitong Linggo.

GRAB CAR Nasa kustodiya ng Lucena City police ang sasakyan (DAE 3053) ng pinatay na Grab driver. (DANNY ESTACIO)

GRAB CAR Nasa kustodiya ng Lucena City police ang sasakyan (DAE 3053) ng pinatay na Grab driver. (DANNY ESTACIO)

Ayon sa Public Information Office (PIO) ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), tinutugis na ng mga awtoridad si Paolo Largado, na may-ari ng condominium unit sa Barangay San Andres kung saan natagpuang patay si Maria Cristina Palanca, nasa hustong gulang, nitong Linggo, bandang 4:00 ng hapon.

Samantala, kinumpirma ni Cainta MPS chief, P/Lt. Col. Alvin Consolacion, na natagpuan na nila ang itim na Toyota Avanza na ipinapasada ng biktima sa Lucena City nitong Martes, dakong 11:00 ng gabi.

PBBM, bumati sa Mother’s day; Sen. Imee, ‘inelbow’ sa picture?

Isinanla umano ni Largado ang sasakyan sa isang kakilala sa Lucena City, saka ito nagtago.

Matatandaang iniulat na nawawala si Palanca noong Mayo 23.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima na nagmamadaling umalis sa bahay dahil may nagpa-book na pasahero galing sa isang mall sa Mandaluyong at nagpahatid sa Manggahan, Pasig City.

Matapos ito ay nawala na umano sa GPS ang sasakyan ng biktima at hindi na nakauwi kaya dumulog ang pamilya nito sa kapitbahay nilang pulis, si P/Maj. Amadeo Estrella.

Sa imbestigasyon, matapos na ihatid ni Palanca ang pasahero ay nagtungo ito sa condominium ni Largado.

Nakuhanan pa umano ng closed-circuit television (CCTV) camera ang pagbaba ng biktima sasakyan at pagpasok sa condo building.

Makalipas ang isang oras ay nakita sa CCTV si Largado na lumabas sa gusali at sumakay sa sasakyan ng biktima, at hindi na nagpakita pa sa naturang lugar.

Nabatid na natuklasan ang naaagnas na biktima, na nakasilid sa sako at nakasiksik sa ilalim ng lababo ng condo, nang mangamoy at ireklamo ng mga tenant.

Sa autopsy, supokasyon ang ikinamatay ng biktima matapos na lagyan ng supot ang ulo nito.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

-Mary Ann Santiago at Fer Taboy