NAKALULUNGKOT malamang aabot pala sa P95 bilyon ang nawala o nalugi sa mga magsasakang Pilipino dahil sa tinatawag na “Rice Import Liberalization” (Rice Tarrification Law) o malayang pag-angkat ng bigas sa ibang bansa, gaya ng Thailand at Vietnam.
Sa pahayag ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI), nawalan ang ating mga magsasaka ng kitang P95 bilyon, bunsod ng pagdagsa ng murang bigas sanhi ng pagbaba ng presyo ng bigas na ani sa Pilipinas.
Ayon sa PCAFI, dahil sa umiiral na presyo o farm gate price ng palay ngayon na bumagsak sa P5 bawat kilo, nawalan o nalugi ang mga Pilipinong magsasaka ng P95 bilyon. Ito ay batay sa produksiyon ng lokal na palay na 19 million metric tons bawat taon, ayon kay Frisco Malabanan, miyembro ng PCAFI at technical advisor ng SL Agritech.
Ang farm gate price ng palay sa ibang parte ng Central Luzon ay bumaba na sa P11 hanggang P13 bawat kilo mula sa dating P17 hanggang P20 kada kilo. Kawawa naman pala ang mga kababayan kong magsasaka sa Bulacan.
Nilinaw ni Malabanan na ang pag-angkat ng bigas ay para lang sa buffer stocking, ngunit ngayon ay nagiging permanenteng solusyon na sa kakulangan ng bigas. Nababahala na rin ang pribadong sektor sa kalidad ng imported rice na nabibili sa mga palengke. Badya ng PCAFI: “Rice from Thailand and Vietnam is not as good as local rice. We produce local rice, we do not mix with imports. It’s entirely good, even much better quality than imported.”
Sa sitwasyong ito, dapat kumilos sina Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate committee on agriculture, at Agriculture Sec. Manny “The Small but Terrible” Pinol, upang hindi mapanganyaya ang mga magsasaka natin na ulanin at arawin sa kanilang bukirin para lang kumita ng sapat na ani para sa pamilya at sa mga Pilipino.
Sa pasasalamat sa Davao City para sa tagumpay ng kanyang matapat na aide at anak-anakan na si Bong Go sa pagka-senador, inakusahan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Sen. Antonio Trillanes IV ng pag-abuso sa poder bilang isang mambabatas. Tinawag pa niya ang mahigpit na kritiko bilang “Walang hiya” (shameless).
Nagbanta pa ang Pangulo na ibubulgar niya ang pagkakaroon ni Trillanes ng umano’y “illegal wealth” na gumamit ng dummies sa pagkakanlong sa ari-arian at mga sasakyan. Si Trillanes ang pinakamahirap na senador noong 2017, na ang networth ay P6.87 milyon. Sabi ni PRRD: “Darating ang panahon na lahat ng ito ay mabubunyag. Ikaw ay walanghiya at duwag.”
Nagiging tambakan ba ng basura ng ibang mga bansa ang Pilipinas? Batay sa ulat, nagtambak ng basura ang Canada, South Korea, Australia at Hong Kong. Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na hindi dumping ground o tambakan ng basura ang ‘Pinas.
Itutuloy ng administrasyong Duterte ang pagsisiyasat at pag-uusig sa nanalong mga pulitiko na nasa narco-list ni PRRD. Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), tuloy pa rin ang kasong administratibo laban sa kanila.
Nakakumpiska ng tinatayang 146 kilo ng shabu, na nagkakahaga ng P1 bilyon, na nakatago sa aluminum pallets sa isang bodega sa Malabon City noong Huwebes. Una rito, apat na magnetic lifters ang nadiskubre ng PDEA sa isang bodega sa Cavite.
Eh, nasaan na ngayon ang bultu-bultong shabu na naipuslit sa bansa? Walang mangyayari sa drug war ng Pangulo kapag patuloy ang “pagbaha” ng shabu at iba pang illegal drugs sa maraming lugar ng bansa kahit araw-araw ay pumatay ang mga pulis at vigilantes ng pushers at users, pero nakalalaya naman ang drug lords, drug suppliers, drug smugglers.
-Bert de Guzman