Pagnanakaw ang motibo sa pagpatay sa dalawang matandang mag-asawa sa Novaliches, Quezon City nitong nakaraang linggo, kasunod ng pagkakaaresto sa suspek, na umano’y gumon sa ilegal na droga, nitong Martes.
Iniharap kahapon ni Police Gen. Joselito Esquivel, Jr., hepe ng Quezon City Police District (QCPD), sa media ang suspek na si Carl Joseph Bañanola, 37, ng Caloocan City.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang nagsanib-puwersang Novaliches Police Station (PS-4), QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), Northern Police District (NPD) at Caloocan Police Station laban kay Bañanola nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa kanyang kinaroroonan.
Ayon sa awtoridad, si Bañanola ay nasa impluwensiya ng ilegal na droga nang arestuhin sa kahabaan ng 4th Avenue sa Doña Rita, Caloocan City nitong Martes, dakong 7:00 ng gabi.
Si Bañanola ang itinuturong suspek sa pagpatay kina Nicolas Austria, 86, retiradong engineer; at misis niyang si Leonora Austria, 87, retiradong government employee, na natagpuang duguan sa loob ng kanilang bahay sa Diego Silang Street, TS Cruz Subdivision in Bgy. San Agustin, Novaliches nitong Linggo, bandang 2:00 ng hapon.
Ang kasambahay ng mag-asawa, si Editha Fernandez, 63, ay natagpuan ding nakabulagta at sugatan sa kusina.
Inamin ni Bañanola ang krimen, at sinabing hindi sinadya ang pagpatay dahil pagnanakaw lamang ang kanyang motibo sa mga biktima at inaming lango siya sa droga nang maganap ang insidente.
Nabawi sa suspek ang P16,100 na pinaniniwalaang bahagi ng P38,000 na nawawala sa bahay ng mag-asawa.
Nakakulong si Bañanola sa QCPD-CIDU, at kakasuhan ng robbery with homicide at frustrated murder.
-Alexandria San Juan at Jun Fabon