Ngayong inaasahang mararamdaman ang El Niño hanggang sa mga susunod na buwan, babawasan ng National Water Resources Board ang tubig na isinu-supply ng Angat Dam sa Metro Manila simula sa Sabado, Hunyo 1.
Batay sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga pangunahing dam sa Luzon, bumaba pa ang water level sa Angat Dam sa Bulacan sa 169.88 metro kahapon, mula sa 170.19 metro nitong Lunes.
Lubhang mababa na ito kumpara sa normal high water level ng Angat na 212 metro, at sa 180-metrong minimum dam operating level.
Sinabi rin ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. na mananatiling suspendido ang alokasyon ng dam para sa irigasyon.
Ayon kay David, mula sa 48 cubic meters per second (cms) ngayong Mayo, ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila mula sa Angat Dam ay babawasan sa 46 cms simula sa Sabado.
Ang alokasyon ng tubig ay hinati sa 60-40 para sa mga consumer ng Maynilad at Manila Water, ayon sa pagkakasunod.
Nilinaw naman ni David na ang pagbabawas ng supply ng tubig “will not have any significant impact for Metro Manila households”, na 96% ay umaasa sa Angat Dam.
Ito ang unang beses ngayong taon na nagbawas ang NWRB ng water supply sa Metro Manila, makaraang suspendihin ang patubig sa mga taniman sa Bulacan at Pampanga simula nitong Mayo 16.
-Ellalyn De Vera-Ruiz