SINO ba si Bikoy? Bago ang eleksiyon, lumitaw at nag-viral sa social media ang lalaking nakatalukbong (hooded) at nagbulgar ng umano’y “Ang Totoong Narcolist” kung saan isinasangkot ang Duterte family sa illegal drugs. Kontra ang listahan niya sa narco-list ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na naglalaman ng mga pangalan ng journalists, media groups, LP, at Trillanes tungkol sa ouster plot sa Pangulo.
Una siyang lumitaw sa press conference na ginawa sa tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Doon ay isinangkot niya ang pamilya Duterte sa illegal drugs. Isinama niya sa pahayag sina Paolo Duterte, Sara Duterte, Honeylet Avancena (partner ni PRRD) at ang batang anak na si Kitty. Isinangkot din niya si Bong Go. Dinedma lang ito ng Malacañang.
Nitong Huwebes, bigla siyang lumutang sa press conference ng PNP sa Camp Crame kasama sina PNP Director-General Oscar Albayalde at NCRPO Chief Major Gen. Guillermo Eleazar. Iba na ang tono niya sa naturang presscon. Binawi at binaligtad niya “Ang Totoong Narcolist” na dawit ang pamilyang Duterte at sa halip, sinabi niyang ang tunay na narco-list ay kagagawan ng Liberal Party, nina Sen. Trillanes, Rep. Gary Alejano at iba pa. Naniniwala ba ngayon ang Malacañang dito?
Si Bikoy na ang tunay na pangalan ay Peter Joemel Advincula, ay akusado sa kasong estafa o panloloko ng dahil sa pera. May warrant of arrest siya sa Baguio City at nakatakdang iharap sa korte. Tanong: Dapat bang paniwalaan ang isang taong akusado bilang estapador, isang manloloko?
May nagpadala sa akin ng ganitong text message: “Bikoy, Bikoy/ isang estapador/ daming naloko: gobyerno, oposisyon/ Ang mga biktima/ mga pobreng Pinoy/ na sa araw-araw/ gutom, gutom, gutom!”
oOo
Bumibili ang gobyerno ng Pilipinas ng missile warship na may pangalang BRP Jose Rizal. Ito ang kauna-unahang missile warship para sa ‘Pinas na gawa ng Hyundai Heavy Industries sa Ulsan, South Korea. Nagkakahalaga yata ito ng P18 bilyon.
Ang modernong missile warship na ito ay may anti-air, anti-submarine at surface-to-surface weapons and surveillance capabilities. May taglay din itong OTO Melara 76mm Super Rapid gun bilang primary weapon, at Aselan SMACH 30mm remote-controlled naval gun bilang secondary weapons.
Kung naging masinop lamang ang mga nakaraang administrasyon at binigyan nang sapat na pondo ang AFP at PNP para sa pagbili ng makabagong military warfare, barko at eroplano, hindi sana tayo binu-bully at kinakayan-kayanan ng dambuhalang China ngayon.
Ang BRP Jose Rizal, ayon sa mga ulat, ay darating sa bansa mula South Korea sa Setyembre ng susunod na taon. Isa pang warship na pangangalanang BRP Antonio Luna ang darating sa PH sa 2021. Badya ng kaibigang palabiro: “Hindi pa kaya nasakop at okupado na tayo ng China noon at balewala na ang mga missile warship na iyan?”
-Bert de Guzman