NASA gitna na tayo ngayon ng mga paghahanda para sa pagbubukas ng School Year 2019-20. Inaasahan ng Department of Education (DepED) ang pagdagsa ng nasa 27,817,737 na mag-aaral sa mga paaralan sa bansa, mula sa Kindergarten hanggang Grade 12, kapag nagsimula na ang pagbabalik-eskuwela sa Lunes, Hunyo 3.
Ito ay 2.95 porsiyentong mas mataas kumpara sa kabuuang 27,018,509 mag-aaral noong nakaraang taon. Ang mga bagong papasok, partikular ang mga Kindergarten, ay nagawa nang makapagparehistro simula pa noong Enero at Pebrero, upang maiwasan at mabawasan ang pagdagsa sa regular na pagpaparehistro sa susunod na buwan.
Nagsagawa na rin ang DepEd ng taunang programa sa paglilinis bago ang pasukan—ang Brigada Eskwela, kung saan iba’t ibang samahan sa komunidad ang nakikilahok kasama ng mga magulang ng mga mag-aaral sa paglilinis ng mga silid-aralan na hindi nagamit simula nang magtapos ang nakaraang school year noong Abril 5.
Ngunit may isang problemang kinakaharap ang mga paaralan sa bansa taun-taon—ang kakulangan sa mga silid-aralan sa ilang bahagi ng bansa dulot ng natural na pagdami ng populasyon. Ang pondo para sa karagdagang silid-aralan ay nakapaloob sa pambansang budget, ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ngunit ang aktuwal na pagtatayo ng mga silid-aralan ay nasa pangangasiwa ng Department of Public Works nad Highways (DPWH).
Sa pagtatapos ng Hunyo, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain del Pascua na nasa 12,752 silid-aralan ang inaasahang matatapos na. Ngunit ang election ban para sa mga pampublikong proyekto sa nakalipas na panahon ng kampanya ay maaaring nakaapekto sa pagtatapos ng gawain. Kaya naman maaasahan natin ang matagal nang problema ng ilang eskuwelahan na kailangang magdaos ng klase sa ilalim ng puno, habang ang ilang paaralan ay mayroong tatlong magkakahiwalay na schedule ng klase.
Ngayong taon, nakikipagkumpetensiya ang pagtatayo ng mga paaralan sa maraming iba pang proyekto ng DPWH, na nasa kasagsagan ng programang “Build, Build, Build”. Nakapaloob dito ang konstruksiyon ng maraming kalsada at tulay, paliparan at pantalan, at mga gusali ng pamahalaan. Umaasa tayo, kasama ng mga opisyal ng DepED, na ginawang prioridad ng DPWH ang mga silid-aralan sa nakalipas na mga buwan.
Itinatakda ng Konstitusyon, sa Artikulo IV, Seksyon 5(5) na: “The state shall assign the highest budgetary priority to education and ensure that teaching will attract and retain its rightful share of the best available talents through adequate remuneration and other means of job satisfaction and fulfilment.” Kailangang bigyang-pansin na nakapaloob din sa probisyong ito ang sapat sa espasyo ng silid-aralan at suweldo ng mga guro.
Kumpiyansa tayo na handa ang DepEd para sa pagbubukas ng bagong taong panuruan. Anumang biglaang problemang lumitaw ay dapat na mabigyan ng pangunahing prioridad sa atensiyon ng pamahalaan at pagpopondo.