Patay ang dalawang katao nang sumiklab ang apoy sa isang boarding house sa Sta. Cruz, Maynila, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Fire Team Leader Inspector Troy Junesa ang mga nasawi na sina Jaysa Abedra, 31; at Aly Ja Rabda, 37, kapwa residente ng 1340 ABCD, CM Recto Avenue Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay Juanesa, ang mga biktima ay nakulong sa nasunog na tatlong palapag na paupahan sa CM Recto Avenue Sta. Cruz, Maynila, dakong 7:00 ng gabi.
Ayon kay Matronillo Amado, security guard sa kalapit na establisyemento, ang dalawang nasawi ay namamasukang drivers. Sinabi niya na nakita niya ang mga itong kumakaway at humihingi ng tulong.
Ayon sa awtoridad, isa sa mga biktima, si Rabda, ay nakatakdang umalis at magtrabaho sa Saudi Arabia sa Mayo 28. Nagawa na nitong makalabas sa bahay, ngunit muling bumalik upang kunin ang kanyang pasaporte.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog sa ganap na 7:19 ng gabi bago idineklarang under control pagsapit ng 8:17 ng gabi, at tuluyang naapula dakong 9:07 ng gabi.
Naabo ang tinatayang P100,000 halaga ng ari-arian.
Patuloy na tinutukoy ang sanhi ng sunog.
-Erma R. Edera at Mary Ann Santiago