APAT na araw na lamang at matatapos na ang Mayo na sinasabing buwan ng mga kapistahan at mga bulaklak. Ang dahilan, mula unang araw ng Mayo hanggang sa huling araw ng nasabing buwan ay maraming mga pagdiriwang at mahalagang pangyayari sa kasaysayan ang ginugunita, ipinagdiriwang at binibigyan ng pagpapahalaga ng ating mga kababayan.
Sa nasabing huling apat na araw ng Mayo, patuloy na nagaganap sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan ng ating bansa ang pagbibigay-buhay sa mga tradisyon kung buwan ng Mayo. Mababanggit ang “Flores de Mayo” o ang pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen, na ang imahen ay nakadambana sa loob ng simbahan at mga kapilya sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Tanawin kung hapon sa mga simbahan at kapilya ang pagdaraos ng “Flores de Mayo”. Magkakasama sa pag-aalay ng mga bulaklak ang mga batang babae, lalaki, mga senior citizen, mga relihiyosa at ang mga may matapat na panata at debosyon sa Mahal na Birhen.
May mga miyembro rin ng religious organization ang kasama sa Flores de Mayo. Ang pag-aalay ng mga bulaklak kay Mama Mary ay bahagi ng kanilang debosyon. Tulad ng mga nag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Birhen, sila’y nagpapasalamat din sa mga biyayang kanilang natanggap at patuloy na hinihingi ang patnubay ng Mahal na Birhen at Poong Maykapal sa kanilang mga gawain sa araw-araw.
Ang Flores de Mayo ay nag-iiwan ng maraming alaala at gunita. At sa iba nating mga kababayan at mga Marian devotee, o may debosyon sa Mahal na Birhen, ang pagdalo pagdiriwang ay mula sa unang araw ng Mayo hanggang sa huling araw ng nasabing buwan. Sa paniniwala naman ng ibang Marian devotee, ang kanilang pagdalo sa Flores de Mayo ay may moral cleansing effect sa kanilang buhay. Nararamdaman nila ngunit hindi maipaliwanag.
Sa kalendaryo naman ng kasaysayan ng ating bansa, ang ika-28 ng Mayo ng bawat taon hanggang ika-12 ng Hunyo ay may kahalagaha sa kasaysayan. Ang Mayo 28 hanggang Hunyo 12 ay National Flag Days o mga Araw ng ating Pambansang Watawat -- isa sa mga sagisag ng kalayaan ng iniibig nating Pilipinas. Ang kahalagahan ng pagdiriwang ay batay sa iniaatas ng Republic Act No.8491 na lalong kilala sa tawag na Flag and Heraldic Code of the Philippines. Pinagtibay ang nasabing batas ng Kongreso noong Pebrero 12, 1998. Sa panahong nabanggit batay sa iniaatas ng RA 8491, lahat ng tanggapan o opisina, ahensiya at mga kagawaran ng pamahalaan, business establishment, paaralan at pribadong tahanan ay hinihikayat na mag-display ng Pambansang Watawat.
Ang Republic Act No.8491 ay nagpapaalaala rin sa bawat Pilipino na ang Pambansang Watawat ang natatanging sagisag ng ating pagkakaisa, national identity o pambansang pagkakakilanlan, pagmamahal sa bayan at pagiging isang bansang malaya.
Ang kahalagahan ng Mayo 28 ay nakaugat sa nangyari noong Mayo 28, 1898, matapos ang matinding sagupaan sa Alapan, isang barangay na nasa pagitan ng Imus at Kawit, Cavite. Sa nabanggit na petsa, buong galak na iwinagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo ang ating Pambansang Watawat bilang tanda ng tagumpay ng mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa mga Kastila. Sa Battle of Alapan, unang iwinagayway ang ating bandila bagamat opisyal itong itinaas noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite.
Sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, bilang pagkilala sa kahalagahan ng pangayayri sa Battle of Alapan, noong Mayo 28, 1994, nilagdaan ang Executive Order No.179. Nag-aatas na mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 ay Araw ng Kalayaan, at ito ay pagkakataon ng bawat Pilipino na gunitain ang kahalagahan ng ating Pambansang Watawat.
Ang Pambansang Watawat na bungang-isip ni Heneral Emilio Aguinaldo na tinahi ni Gng. Marcela Agoncillo sa tulong ng kanyang anak na si Lorenza at ni Delfina Herbosa Natividad, na pamangkin ni Dr. Jose Rizal.
Ang Pambansang Watawat ay sagisag ng pagkamakabayan, ng pag-ibig sa bansa at kabuuan ng mga hangarin at damdamin ng mga Pilipino sa paghahangad ng kalayaan.
Sa tula ni Dr. Jose Villa Panganiban, isang makata, manunulat, dating Propesor sa Filipino sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at Manuel L. Quezon University at Direktor ng Surian ng Pambansang Wika (Komisyon sa Wikang Filipino ngayon) ay ganito ang kanyang sinabi: Magkakaiba man sa ugali at wika, Tayo ay iisa sa puso at diwa; Iisa ang ating bayan at watawat, Mga anak tayo nitong Pilipinas; Kaya nga’t halina’t magyakap-yakap , Sa isang damdamin at isang pangarap.
-Clemen Bautista