“BAKIT mo papalitan ang liderato ng Senado? Dahil hindi ka lang nakakuha ng komite? Baka sa dulo nito, ang administrasyong Duterte ang magdusa. Kapag nagkaroon ka ng Senado na hindi gaanong kaibigan sa huling tatlong taon, ang administrasyon ay magiging lame duck,” wika ni Senate President Vecente Sotto III sa panayam sa kanya sa radyo.
Sa pagwawagi nina dating presidential special assistant Christopher “ Bong” Go, dating Philippine National Police Chief Ronald dela Rosa at presidential political adviser Francis Tolentino, nasalang ang posisyon ni Sen. Sotto. Ang nabanggit na tatlong bagong senador ang pinakaikinampanya ni Pangulong Duterte nitong nakaraang halalan. Hindi gaya ng iba na tinulungan din ng Pangulo, higit na maiimpluwensiyahan ng utang na loob ang tatlo sa anumang okasyong ang Pangulo naman ang mangailangan ng tulong. Kasi, wala namang maipagmamalaking katangian ang tatlo para masabi nila sa kanilang sarili na kaya nilang ipanalo ang laban. Iyon lang na napasama sila sa ticket ng administrasyon ay hindi nangyari kung walang basbas ng Pangulo. Si dating Presidential Spokesperson Harry Roque, na nagnais maging senador, ay umatras nang hindi binanggit ng Pangulo ang kanyang pangalan sa mga iniendorso nitong kandidato sa pagkasenador bago maghalalan. Kaya kina Go, dela Rosa at Tolentino malalaman ang talagang galaw at nais ng Pangulo sa senado na parang ang Pangulo na rin mismo ay nandoon.
Ang mga reeleksyonistang magwawakas ang termino sa susunod na halalan sa 2022 presidential election ay sina Senate President Sotto, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Sen. Manny Pacquiao, Juan Miguel Zubiri, Joel Villlanueva, Richard Gordon, Sherwin Gatchalian, Panfilo Lacson at Francis Pangilinan. Hindi gaya ng mga nabanggit na tatlong bagong senador, ang mga ito, kahit sabihin na nilang sila ay gaganap ng kanilang tungkulin para sa bayan, ay kikilos din para sa kanilang sariling interes at ambisyon. Kaya nakakatukso sa mga ito, lalo na’t matatapos na ang kanilang termino, ang pag-amyenda ng Saligang Batas na noon pa ay ninais na ng Pangulo. Nasa agenda man o wala ng Pangulo ang pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng gobyerno kasama ang mga mambabatas, mangyayari ito dahil ito lang ang paraan na maimpluwensiyahan ang nakararami sa mga senador na kumatig sa Pangulo sa pagbabago ng Saligang Batas. Ang magiging bunga rin nito ay ang magdidikta kung mananatili sa puwesto si Sotto na ngayon pa lang ay nababahala nang baka siya mapatalsik.
Magiging isyu kung bibigay ang nakararaming senador sa pag-aamyenda ng Saligang Batas. May mga pumapayag, lalo na iyong mga nasa oposisyon, pero hindi sa paraan na constituent assembly (Con-Ass) na inaprubahan na sa Kamara, kundi sa pamamagitan ng constitutional convention (Con-Con). Ayon sa mga ito, hindi dapat ang Kongreso kundi ang mga delegadong halal ng bayan ang babago sa Konstitusyon. Kung madadagdagan ang oposisyon, depende ito sa magiging desisyon ng ibang senador, na ayon sa kanilang pansariling interes at ambisyon. Pero anuman ang mapaganap sa Senado, dapat laging handa ang sambayanan. Maaaring sa Senado ang susunod na larangan ng labanan.
-Ric Valmonte