Patay ang isang factory worker matapos itong barilin habang abala sa paglalaro ng DOTA sa loob ng isang computer shop sa Malabon City, ngayong Lunes ng madaling araw.

Dead on the spot si Jeremi Cablaida, 22, ng Barangay Tañong, makaraang magtamo ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo.
Kaagad namang tumakas ang suspek, na nakilala sa alyas na “Bornok”, nasa 20-30 ang edad, 5’2”-5’5” ang taas, nakasuot ng itim na pantalon, T-shirt, at bullcap.
Sa report kay Malabon City Police chief Col. Jessie Tamayao, dakong 12:30 ng madaling araw at abala ang biktima sa paglalaro ng computer game na DOTA (Defense of the Ancients) sa Internet café sa Estrella Street sa Bgy. Tañong nang biglang sumulpot ang suspek mula sa likuran ng biktima.
Armado ng baril, walang sabi-sabing pinutukan sa ulo ng suspek si Cablaida, saka tumakas bitbit ang baril.
Base sa pahayag sa pulisya ng kapatid ng biktima na si Arjay Cablaida, nakatanggap ng death threat ang kapatid mula kay Bornok, bagamat inaalam pa ng pulisya ang tunay na motibo sa insidente.
-Orly L. Barcala