Inaasahan ng Department of Education na makakapag-hire sila ng kabuuang 33,000 bagong public school teachers para ngayong School Year 2019-2020, ilang araw bago ang balik-eskuwela sa Lunes.
Ayon kay Education Undersecretary Anne Sevilla, kabilang sa naturang bilang ang 10,000 bagong teaching posts na lilikhain nila, at ang 23,000 teaching vacancies na kinakailangan nilang punuan.
Ipinaliwanag naman ni Education Secretary Leonor Briones na ang 10,000 bagong posisyon ngayong 2019 ay kukuhanin nila sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act, habang sinabi naman ni Sevilla na ang 23,000 accumulated vacant positions naman ay dati nang nalikha ngunit hindi agad napunuan.
“May accumulated din tayo na mga positions na na-create pero bakante pa hanggang ngayon. We have 23,000, those accumulated vacant positions plus 10,000 this year, so we are expecting about 33,000 new teachers this year,” aniya.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Briones na hindi naman sila tumitigil sa pagha-hire ng mga guro dahil na rin sa lumalaking populasyon ng mga mag-aaral taun-taon.
Layunin rin, aniya, nito na mapaliit ang bilang ng mga mag-aaral sa isang klase para higit na matuto ang mga mag-aaral.
Paliwanag niya, ang ideyal na ratio ng guro sa mga mag-aaral ay 1:45 para sa elementary level, o mula Grade 1 hanggang Grade 6, habang bawat klase naman sa kinder ay dapat na 1:20 o 1:25 lang.
-Mary Ann Santiago