"Bakit noon, ma’am, naga-smile ka sa akin. Ngayon hindi na? Ikaw, ha?” sabi ni Pangulong Duterte kay Vice President Robredo.
Nagkita ngayong Linggo sa unang pagkakataon simula nang ibunyag ng Malacañang ang umano’y pamumuno ng oposisyon sa ouster plot laban sa kanya, tinudyo ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo tungkol sa hindi umano nito pagngiti sa kanya.
Kapwa dumalo sina Duterte at Robredo sa Philippine Military Academy (PMA) graduation sa Baguio City ngayong Linggo. Nagkamay ang dalawang lider saka magkatabing naupo sa entablado.
Sa pagsisimula ng kanyang talumpati, binate ng Pangulo si Robredo, at biniro na hindi raw siya nito nginitian.
“Vice President Maria Leonor 'Leni' Robredo, ma’am… bakit noon, ma’am, naga-smile ka sa akin. Ngayon hindi na? Ikaw, ha?” pabirong sabi ni Duterte.
Nakitang natawa si Robredo sa biro ng Presidente.
Ito ang unang beses na nagkaharap muli ang dalawang pinakamatataas na lider ng bansa makaraan bawiin ni Peter Joemel Advincula, alyas “Bikoy”, ang mga isiniwalat niya sa serye ng video na nag-uugnay sa pamilya Duterte sa kalakalan ng droga.
Sa huli, sinabi ni Advincula na “scripted” lang ang mga sinabi niya sa videos, na pakana umano ni Senator Antonio Trillanes IV at ng Liberal Party ni Robredo upang mapatalsik sa puwesto si Duterte.
Mariin namang itinanggi nina Robredo at Trillanes ang paratang ni Advincula.
Hindi na naging maayos ang ugnayan nina Duterte at Robredo simula nang magbitiw ang huli sa Gabinete ni Duterte noong Disyembre 2016.
Genalyn D. Kabiling