Bagamat nais niyang magpatuloy, inihayag ni Pangulong Duterte na matitigil na ang pamamahagi ng gobyerno ng lupang sakahan, dahil kailangan na aniyang ihinto ang land reform program.

Sa kanyang talumpati sa Davao City, ipinagmalaki ni Duterte na siya ang pangulo na may pinakamaraming naipamahaging lupa sa mahihirap, ngunit ngayon ay kailangan na itong ihinto.

"Land reform gusto ko ‘yan. Ako ang pinakamaraming titulo na --- almost 60,000 hectares. Gusto ko pa. But the land reform program has stopped. We no longer cannot acquire," aniya.

Gayunman, muli niyang binalaan ang mga grupo, katulad ng Kadamay, na huwag mangamkam o mang-agaw kung hindi ay aarestuhin ang mga ito, kabilang ang isang “Atty. Mahinay.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"Kagaya nitong Kadamay, I’m warning you. ‘Yung land grabbing ninyo style ng okupasyon. Basta ang order ko sa law enforcement, hulihin ninyo pati ‘yang Atty. Mahinay na ‘yan. Ipapahuli ko talaga ‘yan," ani Duterte.

Muli din niyang minaliit ang pangako ng New People's Army (NPA) sa mga tao na bibigyan ang mga ito ng lupa, sa pagsasabing hindi ito kasing-dali ng kanilang inaakala.

"Akala nila sila lang ang marunong. Mag-land reform, wala naman typewriter, ang tataas ng kuko, walang ballpen. Mag-drawing ng --- tapos mag-land reform ka," giit niya.

Una nang nangako si Duterte na ipamamahagi sa mga tao ang lupang pag-aari ng pamahalaan, kasunod ng utos kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones na pabilisin ang proseso at ipamahagi sa mga Pilipino ang lahat ng mga lupain sa loob ng kanyang termino.

Argyll Cyrus B. Geducos