MULING pagkakalooban ng kaukulang pagkilala ang mga collegiate standouts ng katatapos na season sa darating na 2019 Chooks-to-Go Collegiate Press Corps Awards na inihahatid ng SportsVision.
Idaraos ang annual awards night ng Collegiate Press Corps na binubuo ng mga sports scribes mula sa print at online outfits na kumukober ng NCAA at UAAP sa sa Mayo 27 sa Amelie Hotel Manila sa Malate, Manila.
Nangunguna sa pararangalan ang mga kampeon ng men’s basketball tournaments na San Beda University sa NCAA at Ateneo de Manila University sa UAAP.
Maliban sa mga kampeon, gagawaran din ng special awards ang mga breakout performers sa okasyong suportado ng Amelie Hotel, Northport, World Balance, at AXA Team EDS.
Kabilang na sa mga ito sina Ateneo Ivorian center Angelo Kouame at San Beda forward Javee Mocon bilang Pivotal Players, at sina dating Lyceum standout CJ Perez at Adamson forward Sean Manganti bilang Impact Players.
Nakatakda ding gawaran ang National University Lady Bulldogs na nagtala ng record na 80 straight wins sa nakalipas na limang seasons sa pangunguna nina Ria Nabalan, Jack Animam, Congolese center Rhena Itesi, Monique del Carmen at Kaye Pingol ng Award of Excellence.
Ito ang ikalawang taon na magbibigay ang Collegiate Press Corps ng parangal sa women’s division kasunod ng paggagawad ng parehas ding award kay Afril Bernardino ng NU noong isang taon.
Ang 2019 Chooks-to-Go Collegiate Press Corps Awards ay ipapalabas ng live sa Chooks-to-Go Pilipinas at Tiebreaker Times sa Facebook.
-Marivic Awitan