MALAPIT nang magkatotoo ang panukalang pagtatalaga ng malinaw na ‘Philippine Space Development and Utilization Policy’ at paglikha ng Philippine Space Agency (PhilSA), katumbas ng National Aeronautics Space Agency ng Estados Unidos.

Sa botong 18-0, pinagtibay nitong Lunes ng Senado ang panukalang “Philippine Space Act”, na katapat ng “Philippine Space Development Act”, na ipinasa ng Kamara noong nakaraang Disyembre.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, may-akda ng HB 8541, sa pakikipag-ugnayan ng Department of Science and Technology (DoST), sadyang kailangan na ang panukalang PhilSA na makatutulong sa pagsanggalang ng bansa sa soberanya at teritory nito. Bukod dito, makakatulong din ito sa pagpapalago ng loobing makabayan ng mga Pinoy.

Layunin ng panukalang batas ang pagtatag ng malinaw na ‘Philippine Space Development and Utilization Policy’ at likhain ang Philippine Space Agency (PhilSA), katumbas ng National Aeronautics Space Agency ng Estados Unidos. Pinagtibay nitong Lunes ng Senado ang pagtatag ng PhilSA kung saan mapupunta ang Philippines Space Science Education Program ng Science Education Institute ng DoST.

Magiging sentro ang PhilSA ng mga gawain kaugnay sa ‘space science, engineering’ at kaakibat nitong mga larangan. Isasailalim ito sa DoST at pangungunahan nito ang programa ng ‘space science and technology access and applications, space research, remote sensing,’ pagkalap ng maseselang datos kaugnay sa mga kalamidad dulot ng kalikasan, at tugunan ang pangangailangan ng bansa sa ligtas at malayang karapatan sa kalawakan.

Sa balangkas magsisilbing pangunahing ahensiya ng gobiyerno ang PhilSA sa paglikha ng mga panuntunan, pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang pangkalawakan na naaayon sa Philippine Space Policy. Prayuridad nito ang mga programa sa pambansang seguridad at pangkaunlaran, mga banta ng kalamidad, ‘climate studies,’ pangkalawakang pananaliksik at pag-aaral, ‘space industry and capacity building’ at pandaigdigang pakikipag-ugnayan.

Bahagi na nga ang teknolohiyang pangkalawakan ng karaniwang mga gawain. Lahat halos ay nauugnay na sa ‘space systems’ gaya ng ‘satellites’ na kailangan sa kumunikasyon, pagbiyahe, depensa at seguridad, pagbabantay sa kalikasan at banta ng kalamidad. Ang mga pangkalawakang imprastruktura at kakayahan ay itinuturing nang yaman ng mga bansa at lipunan.

May laang 30 ektaryang lupain sa loob ng Clark Special Economic Zone kung saan itatatag ang mga tanggapan at ‘research facilities’ ng PhilSA. Sa unang limang taon, tatanggap din ang ahensiya ang taunang P2 bilyon mula sa kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation at Bases Conversion and Development Authority.

-Johnny Dayang