NAGKITA nitong nakaraang Lunes ang 17th Congress upang simulan ang huling dalawang linggo nito bago tuluyang magtapos sa Hunyo 5.
Ang 18th Congress— na ang Kamara de Representantes ay binubuo ng 303 miyembro na itinalaga nitong Mayo 13, at Senado na may 12 naunang miyembro at 12 bagong halal— ay magbubukas ang sesyon sa Hulyo 22, kung kailan magkikita-kita sa joint session upang pakinggan ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.
Nitong nagdaang huling mga araw ng 17th Congres, umaasa ang ilang mambabatas na ang ilang mahahalagang panukala na kanilang inihain ay bibigyang-pansin ng Kongreso. Inilista ni House Majority Leader Fredenil Castro ang walong panukala na, inaasahan niya, aaksiyunan ng Senado. Kabilang sa mga ito ang Security of Tenure Act, Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) 2, Mining Taxes, Alcohol taxes, at Constitutional Change to federalism.
Gayunman, sinabi nina Senate President Protempore Ralph Recto at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi ipapasa ng Senado ang anumang panukala sa buwis dahil kailangan itong pag-aralang mabuti at pagdebatehan. Binanggit din na kailangan pag-aralan ang panukala sa Charter Change at pagsasabuhay sa parusang kamatayan sa ilang krimen.
Naiintindihan natin ang pagnanais ng ilang mambabatas na maisabatas ang kanilang mga panukala, ngunit ang 17th Congress ay hindi na makagagawa ng aksiyon, lalo na sa mga kontrobersiyal na panukala na pangunahing laman ng balita sa nakalipas na mga buwan.
Masasabing ang Charter Change ang pinakakontrobersiyal na panukala, na may pangunahing probisyon na pederal na sistema ng gobyerno. Una nang sinabi ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na wala nang sapat na oras para sa panukala at dapat nang ipaubaya sa 18th Congress.
Sa mga panukala sa buwis, layunin ng TRAIN 2 na ibaba ang corporate tax habang pag-alis sa mga tax exemptions na ipinatupad ng nagdaang mga Kongreso sa mga dayuhang kumpanya upang hikayatin na magsagawa ng operasyon sa Pilipinas. May pangamba na maraming dayuhang namumuhunan ang mag-alisan, sa pag-alis sa tax exemptions, kaya dadagdag ito sa kawalan ng trabaho ng mga Pilipino.
Ito at ang iba pang kontrobersiya ay dapat na ipaubaya sa susunod na Kongreso. Ang nagdaang eleksiyon ay bumuo ng isang Kamara na may mga bagong miyembro ng 303 distrito at partylist representatives, at isang Senado na may 12 bagong miyembro na makikiisa sa 12 naunang miyembro. Ang 17th Congress ay nagsikap na magtrabaho nang maayos at dapat nang ipaubaya ngayon sa 18th Congress ang mga trabaho sa lehislatura.