“BILANG campaign manager ng Otso Diretso, hindi ko nasiguro ang aming tagumpay sa halalan, at ito ay aking responsibilidad at pinanagot ko ang aking sarili sa aming pagkatalo,” wika ni Sen. Francis Pangilinan, sa kanyang maikling pahayag hinggil sa kanyang pagbibitiw bilang pangulo ng Liberal Party. Maging si Quezon Rep. Kit Belmonte, LP secretary general, ay nagbitiw din sa parehong dahilan. Hindi ito tinanggap ni Vice President Leni Robredo. “Marami pang trabahong naghihintay na dapat gawin, at magkasama nilang gagawin ito,” wika ng spokesperson ni Robredo na si Barry Gutierrez.
Tama ang mga LP senior leaders na hindi kasalanan ni Pangilinan ang pagkatalo ng buong tiket ng Otso Diretso. “Ginawa niya ang lahat ng kanyang magagawa kahit limitado ang aming pinagkukunan para mabigyan ng pagkakataon ang aming mga kandidato, pero kami ay nagapi. Hindi niya ito kasalanan, katunayan pinupuri ko siya dahil ibinigay niya ang kanyang makakaya laban sa lahat ng balakid,” wika ni Senate Minority leder Franklin Drilon.
Hindi dapat magbitiw si Pangilinan. Kasi, hindi maganda ang pananaw dito ng Malacañang na kaya raw niya ito ginawa ay dahil tinanggap niya ang kanilang pagkatalo. “Natalo ang oposisyon dahil hindi na naniniwala sa kanila ang taumbayan na higit na pinaniwalaan ang Pangulo,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Wala sanang problema ang ganitong palagay ni Panelo kung tinupad ng Pangulo ang kanyang pangako na anumang halalang magaganap sa ilalim ng kanyang pamamahala ay malinis at parehas. Hindi naman ganito ang nangyari. Ginawa niyang gubat ang larangan ng halalan at dahil siya ang malakas, siya ang nananaig. Bakit nga ba hindi, eh maraming salapi, pananakot, laman lagi ng paid advertisement kasama ang kanyang iniendorsong kandidato at may katulong na militar at makina ng halalan.
Bukod dito, hindi magandang magbitiw si Pangilinan at akalaing tinanggap niya ang pagkatalo ng oposisyon. Ipinakita ng oposisyon ang maling akala ng administrasyong Duterte na sila ay takot, na walang lalaban at walang maninindigan. Sa totoo lang, ang labang itinaguyod nila nang puspusan ay laban ng bayan para sa demokrasya, katotohanan, katarungan at katinuan ng pamamahala. Kapag tuluyang nagbitiw si Pangilinan, isinusuko niya ang labang ito. Nangangahulugan na tinatanggap niya ang pamamaraang ginamit ng Pangulo para manalo. Nag-umpisa na ang labanan at baka magkaepekto sa nagawa na ng mamamayan na magsama at magpalakas na naman ng kanilang hanay katulad ng kanilang ginawa nang buwagin nila ang nakaraang diktadura.
Walang sangkot ng anumang bahid ng delikadesa ang pagkatalo ng Otso Diretso, na dapat maging dahilan ng pagbibitiw ni Pangilinan bilang pangulo ng LP. Bagkus, ang nakikita ko ay katapangan nang pamunuan niya ang oposisyon sa labanang mistulang nasa gubat na napakahalaga sa buhay ng isang demokratikong lipunan.
-Ric Valmonte