Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Columbian Dyip vs Meralco

7:00 n.g. -- Ginebra vs Blackwater

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

MATAPOS makaharap ang beterano at multi-titled coach na si Norman Black, ang league’s most winningest coach na si Tim Cone naman ang makakatapat ni Blackwater interim coach Aries Dimaunahan sa nakatakdang pagsabak ng kanyang koponan kontra Ginebra ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioners Cup.

Magtutuos ang Elite at ang Kings ganap na 7:00 ng gabi pagkatapos ng salpukang Columbian Dyip at Meralco sa pambungad na laban ganap na 4:30 ng hapon sa Araneta Coliseum.

Tatangkain ng Elite na masundan ang naiposteng 94-91 na overtime win kontra Bolts sa una nilang laro upang masolo ang pamumuno mula sa pagkakabuhol nila sa kasalukuyan ng Northport at TNT taglay ang 1-0, panalo-talong marka sa ibabaw ng standings.

“Big test for a rookie coach. After Coach Norman, it’s coach Tim. I’d be more motivated,” pahayag ni Dimaunahan na isa ring dating manlalaro ng Kings. “We’ll see what happens. We’ll have a meeting with the coaches, and we’ll make up the best game plan possible against Ginebra.”

“Hopefully, we can get another win on Friday.”

Ito naman ang unang pagsabak ng defending champion Kings sa aksiyon matapos hindi umabot ng semis ng nakaraang Philippine Cup.

Muling sasandigan ni Dimaunahan para sa target na ikalawang dikit na tagumpay si import Alex Stepheson, Mike DiGregorio, Allein Maliksi, Bobby Ray Parks Jr. at Mac Belo.

Masusubukan sila kontra kina reigning Best Import Justin Brownlee, Scottie Thompson, LA Tenorio, Greg Slaughter at Japeth Aguilar.

Samantala sa unang laro, kapwa naman magkukumahog na makabangon sa nalasap na kabiguan sa una nilang laban ang magbabanggaang Dyip at Bolts.

Inaasahang mamumuno sa tangka nilabg pagbawi mula sa nalasap na kabiguan sa kamay ng Aces si Bolts import Gani Lawal habang mangunguna naman sa Dyip si import Kyle Barone katulong ang ace rookie nilang si CJ Perez.

Wala pa ring katiyakan kung makakalaro na sa Bolts ang nakuha nila sa trade na si Raymund Almazan at ang isa pa nilang beteranong si Jared Dillinger dahil kapwa nagpapagaling ng kani-kanilang injury abg dalawa.

Dahil dito, umaasa si Black na mag-i-step-up ang iba pa nilang key players gaya nina Baser Amer, Chris Newsome, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan.

-Marivic Awitan