BAGAMAT hindi pa opisyal na idinedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tag-ulan na, dumadalas naman ang “thunderstorm” sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Dahil sa climate change, tila tumitindi ang buhos ng ulan bagamat kadalasan ito ay saglit lamang o halos isang oras lang ang itinatagal.
Sa aspeto ng kaligtasan, hindi dapat binabalewala ng mga motorista ang pagbuhos ng ulan.
Kung ating sisilipin ang datos ng mga ahensiya ng pamahalaan, ang biglang pagbuhos ng ulan ang isa sa mga pangunahing sanhi ng mga road accidents sa bansa.
Base sa mga ulat, madalas iturong dahilan ng awtoridad ang madulas na kalsada sa panahong ito kaya mataas ang bilang ng mga sakuna.
Subalit kung ating hihimayin ang puno’t dulo ng mga road accident, makikita rin natin ang kapabayaan sa panig ng mga driver at may-ari ng sasakyan.
Dahil sa kapabayaan, madalas nating hindi sinisilip ang estado ng mga gulong – kung ang mga ito ba’y maayos pa ang lagay o kalbo na.
Madalas din nating napapabayaan ang mga wiper ng sasakyan, na minsan ay halos pudpud na ang rubber blade.
Ilang beses na ring nakasaksi si Boy Commute na manu-manong pinupunasan ng driver ang salamin ng kanyang jeep dahil tumirik ang wiper .
Nagagawa niya ito tuwing nakatigil ang sasakyan sa trapik.
Bukod dito, mapapansin niyong mayroong naka-standby na tabo na puno ng tubig sa tabi ng kanyang upuan. Ito ang kanyang ibinubuhos sa windshield upang maalis ang putik.
Marami ring driver ang dedma sa paglilinis ng headlight at tail light ng kanilang sasakyan kaya kadalasan ay hindi matanaw ng mga motoristang nasa likuran ang distansiya nito.
Ito’y ilan sa mga kapabayaan ng mga motorista na hindi dapat pinalalampas ng awtoridad.
Dapat na maging matiyaga ang mga traffic accident investigator sa pagtukoy sa mga kapalpakan ng mga driver at kanilang sasakyan.
At hindi lamang puro ‘brake failure’ o ‘driver error’ ang nakasaad sa police report.
Dapat ay seryosohin na ang ganitong uri ng gawain at hindi lamang palipas oras ang ginagawa ng mga imbestigador.
Halos araw-araw na ginawa ng Diyos, may namamatay sa kalsada dahil sa kapabayaan ng mga motorista.
Sana lang ay hindi tayo o ating mga mahal sa buhay ang madamay.
Kaya tuwing umuulan, doble-ingat tayong lahat.
-Aris Ilagan