ITO ay English term na kinatha noong 19th Century. Nag-ugat sa payak na pang-unawa mula sa salitang “populasyon” o kabuuan ng taumbayan.
Tinutukoy ang uri ng kaisipan na dumidiskarte sa emosyon ng pangkaraniwang tao, habang pinagsasabong ng mga naghaharing grupo dahil binabalewala ang kanilang interes. Ang “populism” hindi naging konkretong konsepto sa Pilipinas o pormal na natumbok ng mga tagapag-isip sa ating pamumulitika at lipunan. Subalit, likas na naging mitsa ang “populism” sa magkakahalo at napapanahon na simulain sa samu’t suring sektor.
Halimbawa nito ang protesta ng mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod kontra sa kagustuhan ng mga kapitalista. Kaya lang, hindi lahat ng isyu, samahan, o kahit lider, porke sikat, nasa tama at angkop. Samakatuwid, kara-karakang dapat suportahan o ihalal?
Magugunita, noong 2,000 taong nagdaan nang isinisigaw ng mga Hudyo kay Pontio Pilato na ipako si Kristo, agad-agad mawawari nasa katuwiran ang madla. Sa nangyari kay Kristo, nasaan ang hustisya? Kahit katuparan pa ng karamihan, ‘yun ba ang demokrasya? Kaya, mali ang pulitiko tuwing binibigkas ang, “The will of the people, is the will of God”. Laking kalikuan! Porke ba kinagigiliwan ng karamihan, at ibinoto mula sa listahang sinangla, demokrasya pa rin?
Baka hindi ganap na nauunawaan ng masa ang kanilang panandaliang pagpapasiya at pagkabulag? Sa antas na pangbalat-kayong pagsusukat at paninimbang? Maaari bang magkamali ang demokrasya? Ay oo naman, dahil posibleng matisod ang taumbayan!
May karapatan ba ang masa magkamali? Oo rin, kasi maaaring linlangin at lasingin sa pangako at kuwarta. Lalo, at sikat ang sangkap. Hindi na tayo natuto sapagkat hindi isang pamilyang Pilipino ang babayuhin ng likong hinirang, porke kilala o napapaboran sa ipu-ipo ng panahon. Bagkus, tadhanain ng milyon-milyong tahanan sa maraming taon ang isinugal. Masarap umangkas sa agos ng bayarang halalan at pistang pamumulitika. Pero takda ito ng musmos at kabobohang canser sa eleksyon ni Juan de la Cruz.
-Erik Espina