ILALARGA ng Beach Volleyball Republic (BVR), sa pagtataguyod ng International Volleyball Federation (FIVB) ang Beach Volleyball World Tour sa Mayo 23-26 sa White House Beach, Station 1 ng Boracay Island.

IBINIDA ng organizers ang mga local players na kabilang sa FIVB Beach Volleyball World Tour na gaganapin sa Boracay

IBINIDA ng organizers ang mga local players na kabilang sa FIVB Beach Volleyball World Tour na gaganapin sa Boracay

Kabuuang 28 koponan sa men’s division at 20 sa women’s class ang sasabak sa prestihiyosong torneo na magtatampok sa pinakamahuhusay na beach volleyball players sa mundo.

Kasama sa women’s division ang tambalan nina Dij Rodriguez at Bea Tan, Genesa Eslapor at Belove Barbon, DM Demontano at Jackie Estiquia, Fiola Ceballos at Patty Orendain, gayundin sina Bernadeth Pons at Sisi Rondina. Sasabak naman sa men’s class sina Jade Becaldo at Mike Abria, Ranran Abdilla at Jesse Lopez, at tambalan nina James Buytrago at Anthony Arbastro.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Bukod sa tatlong araw na paligsahan, pangungunahan din ng BVR ang isang cleanup drive bilang bahagi ng rehabilitasyong isinasagawa sa Boracay.

“Mahalaga para sa amin ang pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Tourism (DOT), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sila ay may katungkulan sa pagsasaayos ng isla,” sabi ni Charo Soriano, tournament director at isa sa co-founder ng BVR.

Magsasagawa rin ang BVR ng workshop na kung saan tuturuan ng manlalaro ang mga kabataang may interes sa beach volleyball.

“Sa pakikipagtulungan ng Boracay Foundation Inc., tuturuan namin ang mga katutubong bata mula sa pamayanan ng mga Ati. Alam naman natin ang mga kontrobersiyang hinarap ng mga Ati sa Boracay. Dati-rati ay limang tribo sila, pero apat na sa mga ito ang wala na sa Aklan. Tuturuan ng mga manlalaro ang mga batang Ati upang tulungan silang maibalik ang respeto sa sarili na nawala dahil sa mga pangyayari sa kanilang pamayanan nitong mga nagdaang taon,” dagdag pa ni Soriano.

“Kaakibat namin ang Department of Education (DepEd) at ang MASA Ati. Dadalhin nila ang mga kabataan sa amin. Isasagawa namin ang sandroots program para sa mga Ati sa Linggo bago ang bronze matches para mapanood ng mga bata ang kompetisyon,” aniya.

Bilang bahagi ng kanilang adbokasiya, nakikipagtulungan din ang BVR sa pamahalaan sa pagtataguyod ng sports tourism sa loob at labas ng bansa. “Itinuturing namin ang FIVB Beach Volleyball World Tour bilang isang pangmatagalang programa. Nais naming isagawa ang malaking torneong ito taun-taon hindi lamang upang bigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayang volleyball aficionados, kundi upang ipakita na rin sa mundo ang potensyal ng Pilipinas na maging isang beach volleyball hub,” paliwanag ni BVR co-founder Bea Tan.

-LIONELL GO MACAHILIG