IBINAHAGI ni Communications Secretary Martin Andanar nitong Linggo na pinag-aaralan na ng China ang pakikipagtulungan sa pagbuo ng isang pelikula tungkol sa isang Pilipinong datu na nagtungo ng China maraming siglo na ang nakalilipas at ngayon ay nakahimlay sa probinsiya ng Shandong. Dumalo si Andanar nitong nakaraang linggo sa isang kumperensiya hinggil sa Asian Civilizations sa Beijing, kung saan nagpahiwatig ang mga opisyal ng China ng interes na tumulong sa pagpapalabas ng pelikula.
Ipinapakita ng kuwento ng datu ang matagal nang ugnayang kalakalan ng Pilipinas at China bago pa dumating ang mga Epansyol sa bansa noong 1521, ayon kay Andanar. Aniya, tinalakay ng kumperensiya sa Beijing ang iba’t ibang ideya, tradisyon, at kultura. Iginiit din niya ang pangangailangan na buksan ang ating isipan sa kanila.
Isa lamang ang datu sa maraming lider mula sa iba’t ibang isla ng ating bansa na bumisita sa China sa nakalipas na maraming siglo. Pinaniniwalaang ang unang misyon sa China mula Pilipinas ay nagmula sa Butuan bandang 1001. May mga tala ng kalakalan pandagat na isinagawa ng China noong dinastyang Song taong 1178, ng kalakalan sa Mindoro, Palawan at Basilan noong 1206, at sa Babuyanes, Lingayen, Luzon, Lubang, at Manila (Mali-lu) noong 1225.
Noong 1368, nagpadala ang dinastiyang Ming ng tauhan upang imbitahan ang ibang mga bansa na magpadala ng ‘tribute missions’ sa China. Tumugon dito ang Borneo noong 1371, Okinawa noong 1372, at Luzon noong 1373. Noong 1405, ipinresenta ni Mao-li-lu (pinaniniwalaang Mindoro o Marinduque) ang paggalang sa China. Habang ang iba pang misyon ay nagmula sa Pangasinan at Sulu.
Itinuturing na malaking misyon ang sa Sulu noong 1417 kung saan pinamunuan ni Paduka Pahala ang nasa higit 300 ministro, retainers, mga asawa, at iba pang kamag-anak upang mag-alay ng paggalang kay Emperor Zhu Di. Mainit na tinanggap ang datu ng emperador ngunit habang pauwi na ito, namatay ito sa probinsiya ng Shandong. Nagpatayo ang emperador ng isang lapida para sa pinuno ng Sulu, na nakatayo hanggang sa kasalukuyan sa Shandong.
Malinaw sa mga Pilipino ang kolonyal na impluwensiya ng mga Espanyol at mga Amerikano sa Pilipinas na inilarawan ng tanyag na manunulat na si Carmen Guerrero Nakpil bilang “300 years of the convent at 50 years of Hollywood.” Ngayon nalalaman natin na bago pa man dumating ang mga taga-Europa, nakikipag-ugnayan na tayo sa ating mga kalapit na bansa na ngayon ay ang TimogSilangang Asya, China at ang malayong India.
Ang mga wika sa mga isla ng bansa at ang ating panlipunan at politikal na konsepto ay nagpapakita rin ng matatag na impluwensiya ng mga Hindu at Malay. Nakikipagkalakalan na tayo sa China, nagluluwas ng bulak, perlas, kabibe, abaca at telang pina at umaangkat ng mga porselana, ginto, glass, beads, mga bakal na lutuan at karayom.
Unti-unti na tayong nagiging mulat sa mga naunang siglo na hindi naungkat sa kasaysayan ng ating bansa. Ang paggawa ng pelikula patungkol sa buhay ng isang datu ng Sulu na nagtungo sa China at namatay doon noong ika-15 siglo, bago pa dumating ang mga Espansyol noong ika-16 na siglo, ay makatutulong sa pagsisikap na ito upang madagdagan ang ating kaalaman sa kasaysayan ng ating bansa at mas mapalawak ang ating pagtingin sa bansa sa kasalukuyang mundo.