PAGKATAPOS ng 2019 midterm elections nitong Mayo 13, lumalabas na mahigit sa isang milyong boto umano ang “invalidated” o hindi nabilang dahil umano sa ilang depekto, katulad ng tinatawag na “overvotes” o lampas sa 12 kandidato sa pagka-senador ang ibinoto ng mga botante.
Iimbestigahan ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election Committee System (JCOC-AES) ang umano’y 1.17 milyong overvotes na nangyari sa nakaraang halalan. Ang imbestigasyon ay gagawin sa Hunyo 4.
Sayang ang mga “ligaw na boto” o hindi nabilang na mga boto sapagkat malaki ang epekto nito sa kasalukuyang kalagayan ng mga puwesto sa bilangan ng mga kandidatong nasa Number 10 hanggang Number 14 dahil bahagya lang o kakaunti ang kalamangan ng iba sa mga nasa ibaba.
Sa pagkapanalo ni Vico Sotto bilang alkalde ng Pasig City, naging popular ang salitang “Vico” at ang kakaning biko na nabibili sa mga palengke. Noong ako’y nasa San Miguel, Bulacan, maraming taon ang nakalilipas, madalas akong makatikim o makakain ng biko na binibili ni Inang sa palengke.
Ngayong ako’y nasa Mutya ng Pasig na, este lungsod ng Pasig, binibili ako ng aking ex-GF ng biko. Akalain ba ninyong pataubin ni Biko, este Vico Sotto, si Mayor Bobby Eusebio na ang pamilya ay namayani at namayagpag sa siyudad sa loob ng 27 taon. Nakatulong kaya ang Eat Bulaga ni Vic Sotto na marami ang nanonood?
Hindi lang ang political dynasty ng mga Eusebio ang nabuwag at gumuho sa nakaraang eleksiyon, maging ang dynasty ng Estrada-Ejercito ay natibag din sa Maynila-San Juan City. Sa Makati City, para na ring gumuho ang Binay dynasty sa pagkatalo ni ex-Vice Pres. Jejomar Binay sa pagka-kongresista kay Kid Pena, dating vice mayor ng Makati. May sumusulpot namang bagong dynasty, katulad ng Cayetano dynasty sa Taguig City at Villar-Aguilar sa Las Piñas City.
Hindi raw isang makina si Pres. Rodrigo Roa Duterte. Kailangan din niya ang mamahinga. Sumulpot ang mga espekulasyon sa social media na may sakit si Mano Digong at nasa ospital dahil na-heart attack. Nawala kasi sa eksena ng ilang araw ang Pangulo sapul nang siya’y bumoto noong Mayo 13.
Napilitan si senator-elect Bong Go, matapat na aide ni PRRD, na maglabas ng litrato na kumakain ng pansit sa Malacañang kasama ang kanyang “anak-anakan” na si Go. Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, ang ating Pangulo ay nasa Malacañang lang, nagtatrabaho at pumipirma ng mga papeles. Wala siya sa ospital.
Noong Setyembre 2018, naglabas ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na 45 porsiyento ng mga Pinoy ay naniniwalang may problema sa kalusugan ang Pangulo. Ang 61% naman ay nagsabing ang kalusugan ni PDu30 ay isang “public matter.” Mismong si Pres. Rody ang malimit magsabi na may mga sakit siya, tulad ng Buerger’s disease, bunga ng paninigarilyo noong araw. Madalas ding sumakit ang ulo dahil naman sa migraine.
Batay sa PAG-ASA, hindi pa tag-ulan kahit umuulan tuwing hapon. Ipinaliwanag ni Joey Figuracion, weather specialist ng PAG-ASA, na ang criteria sa pagdideklara na tag-ulan na ay ang pagkakaroon ng southwest monsoon at limang araw ng pag-ulan na nagdudulot ng 25 millimeters ng rainfall. Wala pa raw ito hanggang ngayon.
Sa ngayon, mainit pa rin ang panahon. Tigang pa rin ang mga bukirin sa Bulacan, Bataan, Batangas, Cavite, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Mindoro, Palawan, Pampanga, Tarlac, Zambales at Metro Manila. Noong nakaraang taon (2018), idineklara ng PAG-ASA ang pagsisimula ng tag-ulan noong Hunyo 8 kasunod ng pagpasok ng Tropical Storm na si Domeng (Maliksi). Kumindat ang kaibigan ko: “Kelan kaya mababasa ang tigang na lupa?”.
-Bert de Guzman