“ANG daming nagsasabi na public figure ka dapat tanggapin (bashing ) mo na lang ‘yan. Nalilimutan nila na nagta-trabaho lang din ako at tao din kami,” ito ang malumanay na sabi sa amin ni Moira dela Torre nang makausap namin siya ng solo sa opisina ng Cornerstone Management kamakailan.

moira

“As much as possible po, hindi na ako nagbabasa sa social media and I believe namamatay din naman (isyu). I wanna make it kind like my advocacy is to be kind talaga,” sabi pa ni Moira.

Dapat daw aware ang bashers na nakamamatay ang mga salita nila lalo na kung mahina ang taong pinagsasabihan nila, hanggang sa ma-depress.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Mas nakakamatay po ang depression kaysa sa cancer and hindi po nila maintindihan na ‘yung words nila na feeling nila okay lang,” pakli ng mang-aawit.

Ang pinakamatinding natikman ni Moira sa buong buhay niya na talagang iniyakan niya ay nu’ng madawit siya sa pulitika na wala naman siyang kinalaman dahil ang imbitasyon sa kanya ay town fiesta.

“Nu’ng time na po na ‘yun, araw-araw ako may gigs, araw-araw ako may lipad so with Cornerstone, may middle man producer, so ‘yung ako, the middle man and the government (town), e, nu’ng nag-tweet ako, nag-withhold din po kasi ‘yung middle man up to the last minute. Hindi ko rin kasi alam ‘yung details na nangyayari, nalaman ko na lang pagpunta ko ro’n (venue ng show), ‘yung mukha ko nasa poster kaya nagulat ako.

“Tapos naglagay na sila ng words sa mouth ko, kung anu-ano na po ang inilabas nila tapos ang daming pekeng stories nang inilabas, pero okay na. Nabanggit ko lang na iyon ang pinakamatinding natikman ko sa bashers.”

Nakatataka na kaliwa’t kanan ang bashers ni Moira gayung hindi naman siya artista, wala naman siyang inaagrabyadong kapwa singers o ibang tao at hindi naman siya tumatalak sa stage kapag may show siya kaya saan nanggagaling ang galit ng netizens sa isa sa hurado ng Idol Philippines?

Nang ihayag ng Idol Philippines na kabilang sa mga hurado nila ay sina Moira at James Reid, hindi ito nagustuhan ng publiko at sinabing wala silang K kumpara kina Vice Ganda at Regine Velasquez kasi nga mga baguhan.

Kaya sa diretsong tanong namin, may K ba ang isang Moira dela Torre na maging judge ng Idol Philippines?

“Ako, naniniwala po ako sa ABS (CBN management) at Fremantle na ako po ‘yung pinili nila and alam ko rin po na ‘yung mga fans na nakinig ng mga kanta ko at sila rin ‘yung nagbigay ng opportunity para mapunta ako sa puwesto ko.

Sa mga hindi nakakaalam, first choice si Moira bilang isa sa hurado at mismong si ABS-CBN Chief Operating Officer Cory Vidanes ang nagsabi sa multi-awarded singer.

“In-invite po ako ni Tita Cory at ni Ate Vice para mag-dinner tapos akala ko parang dinner lang tapos sinabi nila na si Mama Regs (Regine Velasquez) at ate Vice ang judges sa ‘Idol Philippines’ and then ako.

“Natakot po ako honestly kasi never pa akong (naging) judge, nag-judge ako ng mga Binibining Kalikasan sa barangay (sabay tawa), but I know that I’m smart and I know that I’m intelligent and that you know, the only thing that keeps me speaking my mind is my confidence and kahit naman po noong wala pang bashing nasa isip ko na I’m not good enough kaya po siguro mas masakit ‘yung bashing kasi parang nako-confirm. Pero alam ko at the end of the day, I was place here for a reason, I did my best, I’m doing my best and I earned my spot here,” paliwanag ni Moira.

As of now ay hindi pa rin nawawala ang bashing kay Moira lalo na kapag hindi niya nagustuhan ang contestants sa Idol Philippines na para sa viewers ay magaling na, bakit para sa singer ay hindi.

“Iba kasi po ‘yung nakikita ‘pag live, sa TV kasi edited na, naayos na ‘yung dapat ayusin,” sabi naman ng handler ni Moira na si Mac Merla.

Sabi namin kay Moira na sa kanila nina Regine, James at Vice ay siya ‘yung mabait dahil emosyonal siya lalo kapag may mga pinagdaraanan ang mga contestant.

Ito pala ang gusto ng Idol Philippines na nakaka-relate siya sa lahat, though ganu’n din naman sina Regine at Vice pero iba kasi ang dating ng dalawang icon sa viewers, medyo matigas.

“Kasi po nag-‘The Voice’ po ako tapos hindi po ako nakaabot ng live, kung baka naalala ko ‘yung mga rejections ko before,” pagtatapat ni Moira.

Imagine, ni-reject ng The Voice si Moira tapos heto ngayon, isa siya sa hurado ng Idol Philippines. Bilog talaga ang mundo. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan.

“Oo nga po, eh. Kaya po kapag natatanggal ‘yung mga contestant parati kong sinasabi na, ‘this is not the end of the road’. Credible ako at naniniwala sila sa akin,” masayang sabi ni Moira.

Inamin niyang marami na siyang ni-reject na ultimo kaibigan niya ay nag-“no” siya.

“Nakaka-ano nga po kasi lahat silang tatlo nag ‘yes’ tapos ako ‘no’. Ang hirap lang kasi mas accepted ‘yung matigas managalog, ‘yung may energy, e, mahinhin po ako. Mas magaling akong mag-express ‘pag-English pero marunong naman po akong mag-Tagalog. Mas alam ko lang paganahin ang utak ko ‘pag nasasabi ko in English, so ‘pag nagtatagalog po ako, nagta-translate ako sa utak ko kaya bumabagal po ako.”

Naikuwento rin ni Moira na sa mga unang taping ng Idol Philippines ay nagkasakit siya.

“E, ‘yung buong audition taping may pinagdadaanan po ako physically, kasi naka-arcoxia po ako, e, hindi siya gumagana. Nagkaroon po ako ng injury at sobrang painful po na puwede akong mabulag dahil sa infection na ‘yun.

“Siyempre po ‘pag harap mo sa camera kailangan nakangiti ka, hindi nila alam at the back of it, sobrang in pain ako. Lagi nga po nakaalalay sina Ate Vice at Mama Regs sa akin,” pahayag ni Moira.

Kaya kapag breaktime ay papasok lang siya sa dressing room at matutulog na dahil sa tindi ng sakit na nararamdaman.

Samantala, may isyung ikinukumpara si Moira sa boses ni Regine na parang ang layo naman dahil birit queen ang huli at easy listening naman ang dating sa amin ng boses ng una.

“May mga nagsabi na wala naman daw akong laban kay Regine or kay Kyla, kay KZ (Tandingan), e, iba naman po kasi ako. Ako po, I believe that I was chosen (judge) because of my songs not because of my singing, though alam kong maayos naman po akong kumanta but because of the hits that I made,” katwiran ng 2019 Myx music awardee para sa Mellow Video of the Year for the song Tagpuan, directed by John Prats at Collaboration of the Year with December Avenue’s Kung’Di Rin Lang Ikaw.

Nitong Marso ay si Moira ang tinanghal na most-streamed Filipina artist in the Philippines ng Spotify.

Ano naman ang masasabi ni Moira sa lahat ng natatanggap niyang awards.

“I’m so grateful. To be honest, I didn’t expect this. It’s really an honor (being able to receive these awards). I consider this as my biggest achievement,” saad ni Mrs. Jason Marvin Fernandez.

Samantala, sobrang excited si Moira dahil isa siya sa ginastusan ng ABS-CBN Management na pumunta sa Amerika para sa international album na may titulong Braver at makikipag-collab siya sa producer din ng album nina Kanye West at Justin Bieber.

As of now ay nasa post production pa ang album at ipadadala sa Pilipinas kapag natapos na.

Sa darating na Agosto ay pinaghahandaan ni Moira ang major concert niya na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum.

-Reggee Bonoan