Isang bagon ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) ang umusok at nagliyab habang bumibyahe sa bahagi ng Maynila, nitong Martes.
Batay sa ulat, bandang 5:00 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Blumentritt Station sa Sta. Cruz.
Kuwento ng isa sa mga saksi na si Daniel Nobleza, na nakakuha pa ng larawan ng insidente, naghihintay sila ng tren sa istasyon nang makaamoy ng ‘tila nasusunog na wire ng kuryente habang paparating ang tren.
Umuusok na umano ang tren nang huminto at bahagya pang nag-apoy kaya kaagad na pinalayo ang mga pasahero upang makaiwas sa disgrasya.
Ayon kay Rochelle Gamboa, pinuno ng Corporate Communications ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang pagliliyab ay galing sa underbody o sa ilalim ng tren, na kaagad rin namang napatay matapos ang apat na minuto.
Hindi naman, aniya, nakaapekto sa operasyon ng LRT ang insidente dahil kaagad ring naalis sa riles ang tren.
Tiniyak naman ni Gamboa na iimbestigahan nila ang pinagmulan ng insidente. Aniya pa, susuriin ng kanilang mga engineer ang aberya at kaagad na aayusin ang anumang naapektuhan.
Siniguro naman ni Gamboa na walang pasahero ng tren ang nasaktan o nasugatan sa nangyari.
-Mary Ann Santiago