Kabuuang 3,018 cubic meters ng basura at burak ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Roxas Boulevard at sa mga kalapit na estero sa apat na buwang Manila Bay Rehabilitation Project.

(REUTERS/Romeo Ranoco)

(REUTERS/Romeo Ranoco)

Sa buod ng accomplishment report mula Enero 27 hanggang Mayo 17, sinabi ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) na 400 dump trucks ang katumbas ng nahakot na mga basura at burak sa Manila Bay.

Kasama sa clearing operation ng FCSMO ang Manila Bay sa Roxas Boulevard, Estero San Antonio de Abad, Tripa De Gallina, Padre Faura Drainage Main, Remedios Drainage Main at iba pang esterong nakakonekta sa Manila Bay.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, bago pa man ilunsad ang Manila Bay rehabilitation project ay nagsasagawa na ang mga tauhan ng ahensiya ng mga clean-up operation sa mga estero sa Maynila.

“Marami pa tayong kailangang gawin pero sa tuluy-tuloy na aksyon ng gobyerno at stakeholders, maibabalik natin ang ganda at maayos na kalidad ng tubig ng Manila Bay. Hinihikayat namin ang pakikiisa ng lahat sa paglilinis sa lugar,” ani Lim.

Ayon naman kay FCSMO Chief Baltazar Melgar, nasa 250 tauhan ng FCSMO ang ipinaadala sa mga estero na konektado sa Manila Bay. Gumagamit ang mga ito ng mga mabibigat na kagamitan sa paglilinis ng backhoe, barge, motorized banca, scow, mobile crane, at dump truck.

“Aabot sa Manila Bay ang mga basura at burak kung hindi ito maaalis,” ani Melgar.

-Bella Gamotea