MAGWAWAKAS na rin ang halalan at ilang araw na lang, tulad ng ipinangako ng Comelec, ipoproklama na nito ang mga nanalong senador.
Sa mga paraang ginamit na hindi maganda sa panlasa, si Pangulong Duterte ang nanalo rito. Nakalalamang kasi sa 12 nanalong senador ang mga kandidatong puspusan niyang ikinampanya. Pero dahil ang midterm elections ay naging larangan ng mga nagtutunggaling isyu, hindi ito rito magwawakas at magpapatuloy ang laban, may halalan o wala.
Laban ng bayan ang itinaguyod ng oposisyon at ang pangunahing isyu ay si Duterte mismo. Masigla at buhay ang labang itinaguyod ng oposisyon sapagkat wika ng Otso Diretso: “Sinubok nilang kami ay ibaon. Hindi nila alam na kami ay binhi.”
Sa akin, ipinapalagay ko silang si Pilosopo Tasyo ni Dr. Jose Rizal sa kanyang ‘Noli Me Tangere’.
Sa kanyang panahon, hindi maintindihan ng mga tao ang ginagawa at sinasabi ni Pilosopong Tasyo. Ganoon pa man, sinabi niya: “Ako ay nagtatanim upang maging puno na magbubunga at magkakaroon ng lilim na pakikinabangan ng mga susunod sa akin.”
Ganito ang ginawa ng mga nasa oposisyon. Napakatinik ng landas na kanilang tinalunton nitong nakaraang halalan. Lahat ng balakid ay kanilang sinuong upang ipakita sa taumbayan ang kabilang panig ni Duterte. Hindi, anila, nararapat sa mamamayan ang animo’y gubat sa gitna ng sibilisasyon.
Napakatapang nila. Kahit napakalaki ng kakulangan sa armas at pangangailangan sa isang “madugong” labanan, napakayaman naman nila sa talino at talas ng pangangatuwiran upang ihatid nila sa bayan ang kanilang mensahe na makabuluhan at makatarungang pagbabago.
Sabi nga ni Chel Diokno ng Otso Diretso, “Ang mahalaga ay ang liwanag na naipakita natin sa kadiliman.”
Ang liwanag na ito ang tumanglaw sa mga estudyante sa lahat ng unibersidad sa buong bansa bago maghalalan. Kaya sa mga mock elections na kanilang ginanap, namayani ang oposisyon. Bagamat malaki ang kulang ng mga botong nakuha nila sa halalan upang mapaloob sa magic 12, milyon din naman ang botong naghalal sa kanila. Ang liwanag na tinuran ni Diokno ang naging gabay ng mga botanteng ito.
Kaya sa ngayon, maliwanag na ang linyang naghahati-hati sa pagitan ng sambayanan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte. Ang Pangulo ang siya mismong naghati sa kanila at ang ginawa ng oposisyon ay paglilinaw lamang ng linya.
Ang nangyaring midterm elections ay nagbigay ng okasyon sa mga naliwanagan at matalinong nagabayan sa pagbusisi sa mga napakahalagang isyu sa buhay ng mamamayan, para pag-isahin at palakasin ang kanilang hanay.
Masusubok ang kanilang puwersa sa mga susunod at nakaumang pakikibaka.
-Ric Valmonte