“NOW that you are National Artists, you must always behave.”

Ito ang naging payo ni National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairperson, Virgilio Almario sa mga pinarangalan ngayong taon bilang mga Alagad ng Sining o National Artist, sa idinaos kamakailan na Tribute to the 2018 National Artists sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Pasay City.

“Kailangang tumingkad ang ating sektor. Napakataas ng hinihintay at inaasahan sa sinumang National Artist, upang matingnan ang kultura at sining bilang bukal ng mga gawaing marangal, malikhain, mapagbago, at maipagmamalaki ng bawat Pilipino,” paliwanag ni Almario.

Kabilang sa mga kinilala bilang 2018 National Artists sina Ryan Cayabyab para sa Musika, Francisco Mañosa sa Arkitektura, Ramon Muzones sa Literatura, Resil Mojares sa Literatura, Larry Alcala sa Biswal na Sining, Amelia Lapeña Bonifacio sa Teatro, at Kidlat Tahimik para sa Pelikula.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Dumating naman sa seremonya bilang mga kinatawan nina Alcala, Muzones at Mañosa ang kani-kanilang pamilya.

Ang Order of National Artist ay nilikha noong 1972 upang kilalanin ang mga Pilipino na nagbigay ng hindi matatawarang kontribusyon sa sining at literatura ng Pilipinas. Ipinagkaloob ito ng pamahalaan ng Pilipinas, mula sa rekomendasyon ng NCCA at CCP.

Binigyan ng pagkilala si Cayabyab para sa kanyang mga komposisyon sa musika, na naglalarawan sa kahalagahan ng pagka-Pilipino, ayon sa NCCA.

“It embodies the Filipino values and social experiences,” ayon sa ahensya.

Kilala si Lapeña-Bonifacio sa kanyang mga mga isinulat na dula at pag-eeksperimento sa iba’t ibang estratehiya sa Asian theater arts at puppetry.

Ang pagkilala naman kay Alcala ay para sa kanyang mga komiks na naglalarawan sa buhay ng mga Pilipino. May mahigit limang dekada na siyang karanasan sa cartooning.

Samantala si Tahimik naman ang nagpakilala sa alternatibong estilo sa paggawa ng pelikula. Ayon sa NCCA, ang paraan ng paggawa ng pelikula ni Tahimik ay naglalarawan ng kanyang kalayaan bilang isang alagad ng sining.

Si Mojares naman ay isang fictionist, essayist, educator at historian, na founding director ng Cebuano Studies Center. Nakapaglimbag na siya ng maraming akdang pangliteratura sa iba’t ibang larangan, tulad ng cultural studies, at biography.

Habang si Muzones, ay isang Hiligaynong manunula (poet). Mahigit 50 taon na siya sa larangan ng literatura na gumawa at naging awtor ng mahigit 60 nobela, ayon sa NCCA.

PNA