ISINUSULONG ng isang tourism desk officer mula sa Occidental Mindoro ang pagsagip sa mga critically-endangered na tamaraw, bilang kinatawan ng Pilipinas sa Mister National Universe 2019 pageant sa Thailand sa July 1.
Sinabi ni Mister Continental Philippines 2019 Jan Kim Vergel, 22, na hangad niya ang mas pinaigting na pagpupursige upang masagip ang mga tamaraw sa tuluyang paglalaho sa mundo.
“So far, our efforts in Mindoro are paying off. But we need to do more to save the specie,” sinabi ni Jan Kim sa press send-off para sa kanya sa Quezon City, nitong weekend.
Iniulat ng Biodiversity Management Bureau (BMB) ang pagdami ng tamaraw sa bansa noong Abril 2018. Mula sa 253 tamaraw noong 2002, dumami na ito sa 523 noong 2018, ayon sa focal person ng BMB na si Cecille Garcia.
Si Jan Kim ang itinalaga bilang kinatawan ng Pilipinas sa Mister National Universe pageant, matapos siyang tanghalin kamakailan bilang Mister Continental Philippines 2019.
Iprinisinta sa media ang 6’1” hunk nina Rodell Salvador, Mister Continental Philippines national director; at Loty B. Nayo, Mister National Universe Philippines national director.
Nagtapos ng accounting technology, mahilig sumayaw at kumanta si Jan Kim, na isa ring fashion model.
Sa international competition, dalawa ang magiging kinatawan ng Pilipinas, pero hindi naman daw threatened si Jan Kim.
“This will inspire me more to work harder,” aniya.
Isusuot ni Jan Kim ang tradisyunal na kasuotan ng Mangyan sa national costume parade. Ang upcoming Filipino designer na si Paul Semira ang magdidisenyo ng iba pang isusuot ni Jan Kim sa pageant.
-ROBERT R. REQUINTINA