MARAMING nagdududa sa resulta ng 2019 midterm elections noong Mayo 13. Sumulpot ang mga duda bunsod ng maraming oras na pagkaantala ng pagsusumite ng mga boto mula sa mga bayan at lalawigan, kahit automated na ang sistema ng halalan.
Hindi naniwala ang mga botante sa narco-list ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kung ang pagbabatayan ay ang pagwawagi ng mga lokal na pinuno na nasa narco- list ng Pangulo na sangkot umano sa illegal drugs.
Kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director- General Aaron Aquino na sa 46 na pulitiko, na kasama sa narco-list ni Mano Digong, 25 local officials ang nanalo sa midterm elections. Ayon kay Aquino, karamihan sa nagwaging local officials ay mga mayor samantalang ang11 ay natalo at 10 ang hindi na tumakbo.
Nagtataka si Aquino kung bakit ibinoto pa rin ng mga tao ang mga kandidato na pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs.
Sabi ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo habang umiinom kami ng kape: “Ang dapat pagtakhan niya ay kung bakit ang ibinoto ng mga tao ay iyong mga kandidatong akusado sa plunder, nandambong sa yaman ng bayan at nagsinungaling sa isyu ng pag-aaral.”
Kaibigan, malaman ang iyong sinabi. Sino ba ang plunderer at sino ang sinungaling? Tugon ni Senior-jogger: “Tingnan natin ang inilalabas na resulta ng Comelec sa mga diyaryo. Naroroon si plunderer at si sinungaling.”
Tama, kawawa naman ng ang mga kandidato ng OTSO DIRETSO, mukhang nadiretso sila sa basurahan ng pagkatalo.
Naniniwala ang Malacañang na sa kabila ng vote-counting machines (VCMs) glitches at iba pang isyu sa election transparency servers (ETs), ang resulta ng halalan ay kapani-paniwala. Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, maliit na porsiyento lang ng VCMs ang nagka-technical problem at hindi nakapigil ang glitches sa transmisyon o pagpapadala ng mga boto, dahil puwede namang bilangin ng poll officers ang mga boto sa pamamagitan ng manual counting o manu-manong pagbilang.
May mga nagtatanong kung ang Commission on Elections (Comelec) ay hindi naging kasabwat ng administrasyon sa mga glitches na nangyari upang magkadayaan? O ito ay tinakot upang papanalunin ang mga kandidato ng Pangulo?
May nagsasabing kung ang Supreme Court ay napasunod noon para patalsikin ang Chief Justice nito, nagagawang “rubber stamp” ang Kamara, at nagagawang takutin ang matataas na opisyal ng pamahalaan at pribadong kumpanya, hindi raw kaya tinakot din ang Comelec upang ang Otso Diretso ay pulutin sa kangkungan?
Sa ngayon, nais ng Malacañang na iabot ang kamay ng pakikipagkasundo sa oposisyon, dahil tapos na ang eleksiyon. Nais ng administrasyon na magkaisa ang lahat, at iwaksi na ang pagbatikos alang-alang sa kabutihan, kapakanan at kagalingan ng bayan at mamamayan.
-Bert de Guzman