Hindi natuloy ang proklamasyon sana ngayong Martes ng mga nanalong senador at party-list groups, matapos na maantala ang pagdating ng Certificate of Canvass (COC) mula sa Washington DC sa Amerika.

Sa pulong balitaan ngayong Martes ng tanghali, sa canvassing center sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez na walang proklamasyong magaganap ngayong Martes.

“Not today,” ani Jimenez, kaugnay ng proklamasyon.

Aniya pa, ihahayag na lang ng Comelec kung kailan gagawin ang proklamasyon, ngunit posible, aniya, na magawa na ito bukas, Miyerkules, o sa Huwebes.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

“We will announce when, but not today,” sabi ni Jimenez.

Paliwanag ni Jimenez, hindi pa natatanggap ng Comelec ang COC mula sa Washington DC, na may mahigit 200,000 botante, kaya hindi pa naka-canvass ang mga ito.

Aniya, mahalagang maisama ito sa canvassing bago ang proklamasyon, upang matiyak na wala nang paggalaw na magaganap sa ranking ng mga halal na senador.

Tinatangka naman, aniya, nilang makipag-ugnayan sa Washington DC, ngunit ang naging problema ay hatinggabi pa sa Amerika kaya hindi makontak.

Posible aniyang matanggap at mai-transmit ang naturang hinihintay na COC pagsapit ng 8:00 ng gabi ngayong Martes.

Tiniyak rin niya na maghihintay ang mga opisyal ng Comelec, na tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) para mai-canvass ang COC ngayong gabi.

Nang matanong kung bakit natagalan ang pagta-transmit ng naturang COC, sinabi ni Jimenez na aalamin din nila ang dahilan kung bakit natagalan ito.

Dakong 10:25 ng umaga ng umaga naman nang muling mag-sesyon ang NBOC, at binilang ang mga boto mula sa Kingdom of Saudi Arabia.

Habang isinusulat ang balitang ito ay 166 na sa kabuuang 167 COC ang natapos na i-canvass ng NBOC.

Batay naman sa partial at official results, nananatili pa rin sa Magic 12 sina Cynthia Villar, Grace Poe, Bong Go, Pia Cayetano, Bato dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis Tolentino, Koko Pimental, Bong Revilla, at Nancy Binay, habang patuloy na humahabol sina JV Ejercito at Bam Aquino.

Sa party-list groups, matatag pa rin sa unang pwesto ang ACT-CIS, na mahigit 1.5 milyong boto ang lamang sa mga kasunod nitong Bayan Muna, Ako Bicol, CIBAC, Ang Probinsiyano, 1Pacman, Marino, Probinsiyano Ako, Senior Citizens, at Magsasaka.

Mary Ann Santiago