NAGSIMULA ang Reiwa Era sa Japan sa pagkakaluklok ni bagong Emperador Naruhito sa Chrysanthemum Throne sa Tokyo nitong Mayo 1. Nagtapos ang 30 taon ng nagdaang Heisei Era nang bumaba sa trono si Emperor Akihito upang magbigay-daan para sa kanyang anak.
Nitong Martes, nakasama nina Speaker Gloria Macapagal Arroyo, Secretary of Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr., at ng iba pang opisyal ng Pilipinas si Ambassador Koji Haneda sa isang pagtitipon sa embahada ng Japan sa Makati.
“We share the Japanese people’s hope that the Reiwa Era heralds a time of harmony for Japan and our region,” pahayag ni Secretary Locsin. “On the bilateral front, we are confident that the Reiwa Era will impart a stronger impetus to our strategic partnership. Japan has an important place in our pantheon of real friends. It is, in the words of His Excellency, President Rodrigo Duterte, ‘a friend closer than a brother’.”
Tinugon ito ni Ambassador Haneda at sinabing sa loob ng 30 taon ng Heisei Era, patuloy na naging matatag ang ugnayan sa pagitan ng Japan at Pilipinas. “We are now enjoying the golden age of our strategic partnership,” aniya.
Matagal nang pinakamalapit na kaalyado ng ating bansa ang Japan sa bahaging ito ng daigdig, kaalinsabay ng patuloy na mabuting ugnayan natin sa Amerika. Sa kasalukuyan, ang Japan ang pinakamalaking pinagmumulan ng ating dayuhang pondo para sa mga proyekto, kasama ng mga pautang at grants na umabot sa $5.98 billion noong 2018, na bumubuo sa 41 porsiyento ng kabuuang Official Development Assistance (ODA) ng Pilipinas mula sa iba pang mga bansa sa mundo.
Nakuha ng Japan ang pinakamalaking bahagi ng ating ODA nang ialok nito ang pagpopondo—isang $50-billion loan—para sa 25-kilometrong Metro Manila subway na itatayo mula sa Mindanao Avenue sa Quezon City patungong Ninoy Aquino International Airport sa lungsod ng Pasay. Itatayo ang subway gamit ang teknolohiya ng Japan, na taglay ang malawak na karanasan sa pagtatayo ng subway.
Kamakailan lang, ibinigay din ng Japan ang pagpopondo para sa North-South Commuter Railway Extension project, sa pagtatayo ng bagong Bohol Airport at proyekto para sa proteksiyon ng kalikasan, gayundin ang para sa rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3.
Nitong Marso, lumagda ang Japan at Pilipinas sa memorandum of cooperation para sa pagtanggap at proteksiyon ng mga Pilipinong manggagawa sa pagbubukas ng pinto ng Japan sa mahigit 350,000 dayuhang manggagawa. Hindi bababa sa 30% sa nasabing bilang ang manggagaling sa Pilipinas. Madadagdag sila sa tinatayang 280,000 Pilipinong nagtatrabaho na sa Japan.
Pinupuri natin ang magandang panahon ng ating ugnayan sa Japan, mula sa ating malapit na relasyong diplomatiko, sa ating mga alyansang pandaigdigan, at sa malaking tulong ng Japan sa dumaraming proyektong pang-ekonomiya ng ating bansa. At nakikiisa tayo sa pagbati at pagdiriwang sa pagsisimula ng bagong Reiwa Era ng Japan, sa ilalim ni Emperor Naruhito.