Pinangunahan ng isang 21-anyos na Ilocana ang 258 magtatapos sa Philippine Military Academy Class 2019 Mabalasik.
Inihayag ngayong Martes ni Lt.Gen. Ronnie Evangelista ang Top 10 graduating cadets ngayong taon, na pinangunahan ni Cadet First Class Class Dionne Apolog Umalla, ng Alilem, Ilocos Sur.
Tatanggapin ni Umalla sa Linggo ang Presidential Saber Award mula kay Pangulong Duterte, bukod pa sa Philippine Navy Saber Award, at 12 pang pangunahing pagkilala.
Ipinagmamalaki rin ng mga taga-Cordillera na apat nilang kalugar ang pumasok sa top ten PMAers ngayong taon.
Ang apat na Cordilleran ay sina Cadet First Class Jahziel Gunapac Tandoc (No. 3), ng La Trinidad, Benguet; Daniel Heinz Bugnosen Lucas (No. 4), ng Barlig, Mt. Province; Richard Balabag Lonogan (No. 6), ng Sagada, Mt. Province; at Glyn Buansi Marapao (No. 8), ng Buguias, Benguet.
Pasok din sa Top Ten sina Cdt 1CL Jonathan Eslao Mendoz (No. 2), ng Cavite City; Cdt 1CL Aldren Maambong Altamero (No. 5), ng Kidapawan, North Cotabato; Cdt 1CL Marnel Dinihay Fundales (No. 7), ng Leganes, Iloilo; Cdt 1CL Ruth Angelique Ricardo Pasos (No. 9), ng Pasig City; at Cdt 1CL Daryl James Jalgalado Ligutan (No. 10), ng Sta. Mesa, Manila.
Sinabi ni Evangelista na si Umalla ang ikalimang babaeng valedictorian ng PMA, kasunod nina Arlene dela Cruz noong 1999, Tara Velasco noong 2013, Andrelee Mojica noong 2007, at Rovi Mariel Martinez noong 2017.
Sa mga nagtapos sa Mabalasik Class, 131 ang maglilingkod sa Philippine Army; 63 sa Philippine Air Force, at 64 sa Philippine Navy.
Rizaldy Comanda