Nasabat ng mga tauhan ng Regional Maritime Unit-National Capital Region at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang isang cargo vessel na may 200 kahon ng mga isda, na pinaniniwalaang ginamitan ng dinamita.
Ayon kay P/Col. Jason Cipriano, ng MRU-NCR, nakakuha sila ng impormasyon na magde-deliver ng mga isda ang MV Alejandra sa Navotas Fish Port, sa Pasig River.
Inabangan ng mga awtoridad ang nasabing barko dumating sa nasabing pantalan, dakong 4:00 ng madaling araw.
Ininspeksiyon ang barko at tumambad ang daan-daang kahon ng iba’t ibang uri ng isda, na pawang wasak ang mga tiyan na tanda ng ilegal na paghuli.
Hawak ng Philippine Fish Port ang nakumpiskang mga isda, gayundin ang tatlong mangingisda habang inaalam pa kung sino ang may-ari ng barko.
Orly L. Barcala